NANGAKO ang siyam na mga rebeldeng New People’s Army (NPA) na hindi na muling babalik pa sa komunistang teroristang grupo matapos ang pagsuko ng mga ito sa militar sa Sultan Kudarat.
Ayon kay Col. Eduardo Gubat, commander ng 603rd Infantry Brigade ng Philippine Army, nahikayat ang mga rebelde na bumalik sa ilalim ng batas ng pamahalaan matapos ang ilang linggong negosasyon.
Sa pamamagitan ng sanib-puwersang Community Support Program (CSP) ng 37th Infrantry Battalion at 57th Infantry Battalion, matagumpay nilang napasuko ang mga rebelde dahil sa alok na mga benepisyo sa panahon na sila ay babalik sa pamahalaan.
Sumuko ang mga rebelde sa Sitio Tinapakan, Barangay Datu Ito Andong, at Sitio Nursery, Barangay Sta. Clara sa bayan ng Kalamansig.
Dating miyembro ng NPA West Daguma Front ang mga sumukong rebelde na may operasyon sa mga kabundukan ng Sultan Kudarat at ilang bahagi ng probinsiya ng Maguindanao at Sarangani.
“These personalities revealed that they are members of ‘Militia ng Bayan’ and were brainwashed by a certain Edgar Kandi in joining the communist terrorist group,” ayon kay Gubat.
“They surrendered to clear their names from any involvement in the unlawful activities of the CTG and to start living again a peaceful life with their families,” dagdag ni Gubat.
Kabilang sa isinuko ng mga rebelde ang 10 shotguns at isang homemade .38 caliber revolver.
Ayon kay Ka Omeng, isa sa mga sumuko, natuto na sila ng leksyon at hindi na muling babalik pa sa grupong NPA.
Sinabi ni Maj. Gen. Juvymax Uy, 6th Infantry Division commander ng Philippine Army, isailalim ang mga sumuko sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program.
Sa ilalim ng nasabing programa, ang mga dating rebelde na muling bumalik sa komunidad ay mabibigyan ng tulong at livelihood program.
(BASAHIN: Mga dating rebelde, sinunog ang bandila at dineklarang persona non grata ang NPA)