IPAMAMAHAGI ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang Mobile Lab Units kontra sa mga rehiyong apektado ng African Swine Flu (ASF).
Naniniwala ang Bureau Of Animal Industry na mapipigilan na ang pagkalat ng African Swine Fever sa bansa sa pamamagitan ng mga makabagong laboratoryo ng Bureau of Animal Industry.
Anim na mobile laboratory unit ang ipapamahagi iba’t ibang rehiyon sa bansa na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF.
Batay sa Bureau of Animal Industry ng Department of Agriculture, nagkakahalaga ang anim na MLU ng higit P100 milyon.
Layon ng ahensya na matulungan ang mga hog raiser na kontrolin at pigilin ang pagkalat ng ASF, sa oras na magkaroon muli ng outbreak.
Habang ang bawat MLU ay maaaring magbigay ng mga serbisyo sa alinmang local government units (LGU) kung saan mayroong ASF incidence at iba pang mga sakit sa hayop.
Maaari rin itong magsilbi bilang isang mobile veterinary school upang sanayin ang mga tauhan ng LGU sa pagtuklas, pag-iwas at pagsubaybay sa sakit ng hayop.
Binigyang diin ni DA Secretary William Dar, isa ito sa hakbang ng gobyerno upang lalo pang buhayin ang industriya ng baboy sa bansa.
“The mobile labs form part of the Duterte government’s leveled-up measures to revive the country’s hog industry and maintain a healthy animal sector,” pahayag ni Dar.
Maliban dito, maaari na ring matukoy ang sakit ng mga hayop sa pamamagitan ng RT-PCR test katuwang ang DA Regional Field Offices at Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory.
Sinabi naman ni BAI Director Reildrin Morales, kailangan lamang ng sapat na laboratoryo sa pag-poproseso upang higit na palakasin ang animal diagnostic infrastructure ng bansa.
“These laboratories just need to optimize processes to further strengthen the country’s animal diagnostic infrastructure,” ayon kay Morales.
Ani Morales, sa ilalim ng Quick Response Fund ng DA, nakabili at naibigay na ang P100M halaga ng RT-PCR test kits sa iba’t ibang lokal na pamahalaan.
Ang nasabing programa ng Bureau of Animal Industry ay alinsunod sa patuloy na pagsisikap na malabanan ang ASF at iba pang transboundary animal disease sa buong bansa.
Bumuo rin ang DA ng mga alyansa sa mga pribadong grupo, kabilang ang isang grupo ng mga veterinarian at scientist mula sa Bio Assets Diagnostic Clinic na matatagpuan sa Batangas.
Target ng ahensya na maipagkaloob ang anim na Mobile Laboratory Units bago ang Marso 31.