NILINAW ni Department of Justice (DOJ) Secretary Crispin Remulla na idadaan sa tamang kapamaraanan ng batas ang mga kasong kriminal na inihain kanina ng National Bureau of Investigation (NBI) laban kay Negros Oriental 3rd District suspended Rep. Arnolfo Teves, Jr.
Ipinaliwanag ng kalihim na padadalhan ng subpoena ng DOJ panel of prosecutors ang kongresista para maghain ng counter affidavit o makasagot sa alegasyon laban sa kaniya sa idaraos na preliminary investigation.
Nilinaw ni Remulla na hindi maaaring dinggin ang panig ni Teves kung wala siya, kaya kailangan aniyang umuwi ni Teves sa Pilipinas pero kung wala siya o balewalain ang pagdinig ng DOJ ay maaari nang isampa ng korte ang kaso.
Si Teves ay nahaharap sa reklamong 10 counts ng murder, multiple frustrated murder, at multiple attempted murder na inakusahang pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at sa iba pa.