ISINUSULONG ngayon sa Kamara ang panukalang batas na layong bigyan ng hazard pay ang lahat ng disaster response personnel tuwing may state of calamity.
Kaninang umaga lamang ay 5 local rescuers ang nagbuwis ng buhay habang tumutulong sa mga nabahaan sa San Miguel Bulacan sa kasagsagan ng pananasala ng Bagyong Karding.
Batay sa paunang imbestigasyon, nawala ang 5 rescuer nang umapaw sa 6 ft. ang tubig-baha sa kasagsagan ng kanilang operasyon.
Para sa mga kapwa rescuer nila sa Marikina, masaklap ang sinapit ng kanilang mga kapatid sa hanapbuhay.
Ayon kay Dave David ng Marikina Disaster Response, palagiang nasa bingit ng alanganin ang buhay nilang mga responder.
At ang puhunan nila sa ganitong trabaho, tapang, at lakas ng loob na magligtas ng kapwa.
“Sobrang risky, tuwing lalabas kami ng bahay namin naka-ano talaga ang isang paa namin sa hukay,” ayon kay David.
“Ang puhunan talaga natin yung malasakit natin sa serbisyo publiko. Napaka rewarding para sa amin na makapagsalba po ng buhay. Ito po yung pinaka-priceless moment po ng bawat isang rescuer pag meron po tayong naisasalbang buhay, wala pong katumbas na halaga po yung pagkakataon na yun,” dagdag nito.
At para tumbasan ang sakripisyo ng bagong bayani ay isang panukalang batas ang inihain ngayon sa Kamara na magbibigay ng hazard pay sa lahat ng rescue workers.
Layon ng House Bill 3108 ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara na bigyan ng P2,000 buwanang hazard pay ang mga ito kung may umiiral na state of calamity.
“’Yung pangunahing layunin ng House Bill 3108 ay ang pagbibigay hazard pay sa halagang dalawang libo kada buwan sa lahat ng mga tauhan ng Local Risk Reduction and Management Office, Barangay Disaster Risk Reduction and Management, accredited community disaster volunteers. Sa kasalukuyang batas kasi walang probisyon to provide them with any hazard pay,” pahayag ni Vergara.
At ang hazard pay ay hindi sakop sa pagbabayad ng anumang uri ng buwis.
Ngunit para kay Congresswoman Vergara, maliit lamang kung tutuusin ang dalawang libong hazard pay para tumbasan ang hirap at sakripisyo ng mga rescuer.
Pero gagawan daw nito ng paraan na taasan ito oras na talakayin ang bill sa committee level.
“Naku napakalaking bagay po niyan, magandang motibasyon po yan sa lahat. Hindi lang lahat sa amin dito sa Marikina na rescue unit kundi sa buong Pilipinas,” ani David.
Para naman sa nagsusulong nito sa Kongreso, panahon na para suportahan ang panukala dahil palakas nang palakas ang mga bagyo at kalamidad na tumatama sa bansa.
Panahon na para bigyan atensyon ang mga nagbubuwis ng buhay para sa iba.
At panahon na para kilalanin ang kanilang kabayanihan kahit sa maliit na paraan lamang.
“According sa United Nations Office of Disaster Risk Reduction, our country is third sa buong mundo na may pinakamataas na panganib sa mga sakuna tulad ng landslide, pagbaha, lindol at iba pa. This bill is very timely and I really hope this exposure you are giving me will encourage my fellow colleagues in the House of Congress to prioritize the passage of this bill,” ani Vergara.
Sa Marikina, may buwanang hazard pay para sa rescue workers at umaasa ang mga rescuer ng siyudad na lahat ng mga kabaro nila sa buong bansa ay makatanggap din nito.