NAGTULUNG-tulong ang ilang kalalakihan sa Brgy. Lourdes, Tiwi, Albay na maisalba ang kanilang mga motorsiklo nitong nakaraang linggo.
Kasunod iyan ng mabilis na pagbaha sa kanilang lugar dulot ng storm swell o alon mula sa dagat dahil sa Super Typhoon Pepito.
Pero, hindi lang pagbaha o posibleng storm surge o daluyong ang pinangangambahan sa Albay tuwing may bagyo.
Kundi pati na rin ang posibleng lahar flow mula sa Bulkang Mayon.
Bago pa nga manalasa ang Bagyong Pepito, una nang humagupit ang Bagyong Kristine sa Albay.
Ilang mga bahay at sasakyan sa Brgy. Masarawag, Guinobatan, Albay ay nalubog sa lahar dulot ng malakas na ulan at pagbaha.
Matatandaan naman na noong taong 2006 hindi rin nakaligtas ang Albay sa hagupit ng Bagyong Reming kung saan hindi bababa sa 1,500 katao ang naiulat na nasawi o nawawala sa lungsod ng Legazpi lamang.
Dahil dito, naging malinaw ang pangangailangan ng pangmatagalang solusyon upang mabawasan ang epekto ng mga kalamidad sa lalawigan.
Ang pagtatanim ng puno ang isa sa naging tugon ng mga lokal na pamahalaan sa Albay upang maprotektahan ang mga komunidad laban sa kaparehong sakuna.
Isa sa lugar na kanilang pinagtutuunan ng pansin para tamnan ng mga puno ay ang Mt. Mayon Natural Park.
“Alam po natin na ang Pilipinas ay isa sa mga typhoon belt area once na lumaki po ang kahoy, na mga itinatanim na mga kahoy nagsisilbi ‘yung buffer wind breaks pangontra sa lakas ng hangin.”
“Windbreaks po talaga siya ‘pag tumama ang bagyo diyan sigurado po na sa susunod na humihina na ‘yung strength niya because talagang nababasag niya ‘yung hangin,” saad ni Joel Perillo, Protected Area Superintendent, Mt. Mayon Natural Park.
One Tree, One Nation initiative ni Pastor Apollo C. Quiboloy, isinagawa sa Mt. Mayon Natural Park
At hindi nag-iisa ang mga taga-Albay sa kanilang hangarin para sa isang luntian at ligtas na komunidad.
Kasama nila ang spiritual leader ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) at senatorial aspirant na si Pastor Apollo C. Quiboloy na kilala rin na isang environmentalist.
Ngayong Sabado nga, daang-daan volunteers ng Sonshine Philippines Movement (SPM) mula sa iba’t ibang lungsod at bayan sa lalawigan ang nakiisa sa One Tree, One Nation—isang countrywide tree planting initiative ni Pastor Apollo.
Tulung-tulong na itinanim ng mga volunteer ang daang-daan seedlings ng narra at agoho sa paanan ng Mt. Mayon Natural Park sa Sto. Domingo, Albay.
“Kung magkakaroon tayo ng chance na magtanim ng punong kahoy, mas maganda na magtanim tayo ng punong kahoy.”
“Apektado tayong lahat when it comes to climate change. ‘Yung malalakas na bagyo na iyan cause iyan ng climate change. Walang pinipili. Walang mahirap, walang mayaman. Lahat tayo apektado,” dagdag ni Perillo.