Mga residente sa Cagayan Valley, inabisuhang magsagawa ng preemptive evacuation para sa Bagyong Marce

Mga residente sa Cagayan Valley, inabisuhang magsagawa ng preemptive evacuation para sa Bagyong Marce

PUSPUSAN na ang paghahanda na ginagawa ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 para sa posibleng maging epekto ng Bagyong Marce sa Cagayan Valley sakaling lumakas pa ito.

Ayon kay Regional Director Leon Rafael ng OCD-Region II, nagkaroon na sila ng tinatawag na Pre-Disaster Risk Analysis (PDRA).

Mayroon na rin silang updating lalong-lalo na sa weather situation at doon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) para sa mga lugar na sinasabing susceptible sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Inabisuhan na ng OCD regional office ang local government units (LGUs) at local Disaster Risk Reduction and Management council na magkaroon na ng preemptive evacuation sa mga residente sa Cagayan Valley lalong-lalo na sa mga mababang lugar na maaaring bahain.

“Iyong mga dati nang binabaha at saka sa lugar po na puwedeng magkaroon din ng pagguho ng lupa. Ang mga ito po ay lalong-lalo na dito sa gilid po ng ating Cagayan River po,” saad ni Leon Rafael, Regional Director, OCD-Reg. II.

Sa ngayon, hinihintay na ng OCD ang mga datos na manggagaling sa LGUs kung meron na ba o kung ilan na ang mga nagsilikas na mga residente.

Importante ani Rafael, na habang maaga pa ay mailikas na sa mas ligtas na lugar ang mga mamamayan.

Aniya sila rin iyong mga nag-evacuate dahil sa mga Bagyong Kristine at Leon.

“Sila rin po iyong inaasahan natin na magtutungo sa ating mga evacuation centers kasi po sila po iyong mga nandoon sa mga gilid ng ating Cagayan River at sila po naman ay iyong mga nandoon sa mga lugar na puwedeng magkaroon ng localized flooding at puwedeng pagguho ng mga lupa,” dagdag ni Rafael.

Mahigpit namang binabantayan ng DRRM council ang mga paghahandang ito lalong-lalo na ang pagsiguro ng sapat na suplay ng food at non-food items sa bawat mga LGU.

“Ito po ay tinututukan dahil nagkakasunud-sunod po iyong ating bagyo dito— gaya ng nasabi ko kanina, pang-apat na po ito— ay nagkakaroon na po ng replenishment ng mga food items o kaya iyong mga family food pack natin lalong-lalo na ang DSWD. Sa ngayon po ay mayroon pa ring mga replenishment na ginagawa po sila,” ani Rafael.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble