Mga residente sa Maynila, muling hinikayat na magparehistro para sa libreng bakuna

MULING hinihikayat  ni  Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga residente ng Lungsod ng  Maynila na mag parehistro na para sa libreng iniaalok na  bakuna laban sa COVID-19 ng pamahalaan ng lungsod.

Matatandaan una na rin hinikayat ng alkalde ang mga Manilenyo na magparehistro na sa pamamagitan ng www.manilacovid19vaccine.com para sa libreng vaccination.

Ang muling panawagan ng alkalde ay kasunod na rin sa kauna unahang isinagawang flag raising ceremony sa taong 2021 dito sa may Kartilya ng Katipunan sa Maynila.

Ayon kay Moreno naipasa ang ordinansa ng Manila City Council na pinangunahan ni Vice Mayor Honey Lacuna upang bigyang-daan na maglaan ng P200 milyong budget ang Manila LGU sa pagbili ng naturang vaccines.

Ang mga medical frontliners ang prayoridad sa nasabing bakuna na susundan naman ng mga senior citizens at sa huli naman ang mga ordinary citizen ng Manila.

Tiniyak din ng alkalde na habang bukas ang bakuna ay patuloy pa rin ang libreng serbisyo ng Manila City government para sa swab at serology testing sa iba’t ibang designated centers ng siyudad.

Muling magbubukas ang lahat ng drive-thru at walk-in COVID-19 serology testing centers sa lungsod ng Maynila simula ngayong araw, Enero 4, matapos pansamantala isara ang mga ito noong holiday season.

Kabilang dito ang Drive-thru testing center ng:

Quirino Grandstand

Walk-in testing centers:

Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center

Ospital ng Tondo

Justice Jose Abad Santos General Hospital

Ospital ng Sampaloc

Ospital ng Maynila

Maaaring magpa-test ang mga residente mula sa loob at labas ng Maynila mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na ika-8 ng umaga hanggang ika-5 ng hapon.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.