Mga sagabal sa lansangan, pinagtatanggal sa clearing ops ng MMDA

Mga sagabal sa lansangan, pinagtatanggal sa clearing ops ng MMDA

MULING nagkaroon ng clearing operations ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) New Task Force Special Operations and Anti-Colorum Unit sa ilang kalye sa lungsod ng Maynila ngayong araw ng Miyerkules.

Hakbang ito ng MMDA upang tiyaking malinis at walang sagabal sa lansangan.

Kasama ng MMDA sa operasyon ay ang lokal na pamahalaan ng Maynila, Philippine Ports Authority at iba pa upang isagawa ang naturang clearing operations.

Sa Delpan sa Maynila, aabot sa higit 10 cargo trucks ang nasampolan dahil sa iligal na pagpaparada.

Ayon kay Bong Nebrija, head ng Task Force Special Operations ng MMDA samu’t saring reklamo na ang kanilang natanggap hinggil sa iligal na pagpaparada ng mga cargo truck.

“Unang-una marami na kaming reklamong natatanggap dito sa ports area nakakaambalang mga trucks na ‘to particularly mga trucks. Aside from this nag-request na ‘yung Philippine Ports Authority na linisin ‘to dahil nakakaambala na nakita niyo naman magkabilaan ‘yung parking ng truck hindi na makadaan kahit single private vehicle nahihirapan na. Nakikita niyo tong katulad ng truck sa likod ko nakababa na ‘yung makina. Ginagawa na nila ‘tong garahe nila,” pahayag ni Nebrija.

Ani Nebrija, makikita na walang sinusunod na batas ang mga trailer kung kaya’t iligal na lamang itong nakaparada.

Sinabi naman ni Col. Billy Estrada, station commander ng Port Police Division ng Port of Manila, malaking pahirap ang ginawang iligal na pagpaparada ng mga trailer at tricycle.

Maliban diyan sa mga cargo truck, halos 100 tricyle rin ang hindi pinalagpas ng MMDA.

Naging mainit naman ang sagutan sa pagitan nina Col. Nebrija at ang presidente ng isang TODA.

Paglilinaw naman ni Gabriel Go, Deputy Chief ng Task Force Special Operations ng MMDA hindi tinatanggalan ng hanapbuhay ang mga drayber, bagkus inaayos lamang ang lansangan.

“What we implementing here is ‘yung law ‘yung batas dapat sundin natin. Tulad niyan ‘yung mga tricycle they are given a parking terminal pero within the yellow line but ang problema nadadatnan natin sila they are outside of the line na kung saan dapat nandoon lang sila. Pangalawa, ang natatanggap natin na reklamo nagkakaroon ng double or minsan triple parking,” ayon kay Go.

Follow SMNI News on Twitter