INIUTOS ng Bureau of Customs (BOC) na sampahan na ng kaso ang mga sangkot sa smuggling o pagpapalusot ng halos 8.3 kilos ng ilegal na droga o katumbas ng halos P56.4-M na itinago sa shipment.
Sinabi ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio na ieendorso na sa Bureau Action Team Against Smuggling ang mga dokumento at kasabay niyan ang pagbuo ng kaso laban sa mga sangkot sa tangkang pagpuslit ng droga.
Reklamong paglabag sa Section 1401 ng Customs Modernization and Tariff Act at Section 4 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 aniya ang posibleng isasampa sa mga sangkot sa drug smuggling.
Ito ay makaraang nasabat sa Manila International Container Port (MICP) nitong nakaraang linggo ng pinagsanib na puwersa ng BOC at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang shipment mula sa Thailand na naglalaman ng ilegal na droga, na idineklarang mga gamit sa bahay, sapatos, motor accessories, electric fan, at water heater.