Mga seaman, ipinalalagay sa priority list para sa COVID-19 vaccine

PARA sa pinakamalaking samahan ng mga seaman sa bansa, malubha ang epekto ng COVID-19 pandemic sa kabuhayan ng mga marino.

Bukod sa banta ng virus, nariyan rin ang banta sa kalusugan ng mahabang panahon ng pananatili sa laot.

Dahil sa pandemya, pahirapan ngayon ang pagpapalit ng crew sa mga barko.

Kaya panawagan ng Associated Marine Officers’ and Seamen’s Union of the Philippine (AMOSUP) ngayon sa pamahalaan, na sana ay mapabilang sila sa mga unang mabibigyan ng COVID-19 vaccine.

Sa Kongreso, nanawagan ang Marino Party-list sa mga kinauukulan na tiyakin na malalagay talaga sa priority list ang mga seaman.

Ayon sa grupo, malaki ang ambag ng mga marino sa pagpapanatili ng suplay ng pagkain, basic necessities at medical supply sa bansa.

Mahalaga aniya ang bakuna para tuloy-tuloy na magampanan ng mga seaman ang kanilang trabaho.

Naghain narin ng House Resolution si Marino Party-list Rep. Sandro Gonzalez para himukin ang mga ahensya ng sa kanilang request.

Samantala, pasado na sa Kamara ang House Bill 8057 o ang Magna Carta for Seafarers.

Nakasaad sa panukala ang pagtiyak sa maayos na working condition at terms of employment ng mga Pinoy seafarers.

Isinusulong din ang pagbibigay ng medical care at social protection sa mga marino.

Kinikilala rin sa panukala ang collective bargaining gayundin ang karapatan para sa iba pang oportunidad tulad ng educational advancement at training at free legal representation.

Pinagtatakda rin ang mga government financial institutions at private banks ng special credit o pautang sa mga marino.

Layon ng panukala na bigyan ng subsidized interest rates ang mga ito na maaaring magamit para sa pangkabuhayan o pag-aaral.

SMNI NEWS