Mga senador hati ang pananaw sa “Solid 7”

Mga senador hati ang pananaw sa “Solid 7”

‘DI pa rin malinaw hanggang sa ngayon kung aanib ang tinaguriang “Solid 7” sa minorya ng Senado.

Sila ang pitong senador na hindi sumang-ayon sa pagtatanggal kay Sen. Juan Miguel “Migz” Zubiri bilang Senate President kamakailan.

Ayon kay dating Majority Floor Leader Sen. Joel Villanueva madalas na nagkikita-kita ang kanilang grupo sa Senado pero hindi nila napag-uusapan ang nasabing isyu.

Bukod kay Villanueva, kabilang sa “Solid 7” ang senior senators na miyembro ng mayorya sina Senators Sonny Angara, JV Ejercito, Win Gatchalian, Migz Zubiri, Nancy Binay, at Loren Legarda.

 “It’s always more on what’s happening like nitong nakaraang brownout. Dalawa o tatlong oras ata namin pinag-uusapan itong brownout. Unfortunately, marami tayong masyadong problema sa bansa na ‘di dapat dagdagan ng issue sa politika. Taalgang dapat tutukan ito at hindi po pwedeng maging tamad. Lalo na sa ating trabaho. Hindi po ako nagpaparinig,” pahayag ni Sen. Joel Villanueva, Former Senate Majority Floor Leader.

Pero sa Solid 7, nasa apat lamang ang bukas na naghayag na kinokonsidera nila ang paglipat sa grupo ng minorya.

SP Escudero ‘di kinikilala ang “Solid 7”

Para kay Senate President Francis “Chiz” Escudero ay wala siyang kinikilala na “Solid 7”.

Ayon sa bagong Senate President, pantay-pantay ang kaniyang tingin sa lahat ng mga senador.

“So hindi ko alam saan nanggaling ang Solid 7. Ang bilang ko pa rin ay 24 na senador at hindi 15 plus 7 plus 2. Hindi ito basketball o football. 24 pa rin ang bilang ng mga senador at mananatiling ganun ang pagtingin ko anuman ang kanilang sabihin o anuman ang kanilang pananaw,” saad ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, Senate President.

Dahil dito, naniniwala si Sen. Joel Villanueva at ilang senador na posibleng maisapinal ang mga alyansa sa Senado sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa darating Hulyo.

Follow SMNI NEWS on Twitter