INULAN ng batikos ang Senate Bill No. 1979 o ang PREVENTION OF ADOLESCENT PREGNANCY ACT OF 2023 na isinusulong ni Risa Hontiveros sa Senado mula sa iba’t ibang grupo dahil nakapaloob dito ang Sex Education.
Araw ng Miyerkules ay mismong si dating Chief Justice Lourdes Serreno ang tumungo sa Senado para ihayag ang kaniyang pagtutol dito.
Sa kasunod na araw ay limang senador kaagad ang naghayag ng pag-aalinlangan sa nasabing panukala ni Hontiveros.
Sa Kapihan sa Senado, naghayag ng mariing pagtutol si Sen. Joel Villanueva sa panukalang PREVENTION OF ADOLESCENT PREGNANCY ACT OF 2023. Sa titulo pa lang aniya ng nasabing panukalang batas ay mapanlinlang.
“Nakakabudol kasi ‘yung title. Pero ‘pag binasa mo ‘yung buong bill—sabi nga nila, the devil is in the details—importante ‘yung Konsultasyon eh,” ayon kay Sen. Joel Villanueva.
Ikinababahala rin ni Villanueva na ang grupo na sumusuporta sa panukalang batas ay siya ring grupong matagal nang nagtutulak na gawing legal ang aborsyon.
“Nakakagimbal ‘yung mga concerns, valid concerns ng iba’t ibang grupo, na ito ay radical, na ito ay inappropriate, damaging to children ang probisyon. Nakapapangamba po. Gaya ng Sogie Bill. Sige it’s anti-discrimination pero parang prelude to same sex marriage. Ito parang prelude din to abortion,” dagdag ni Villanueva.
Nilinaw naman ni Sen. Bong Go at Sen. Imee Marcos na ‘di nila suportado ang panukalang batas ni Hontiveros.
Batay sa Senate website lumalabas na kabilang si Go at Marcos sa co-author ng nasabing panukala.
Sa isang pahayag, sinabi ni Go na nagkamali sa committee report at pinaaayos na niya ito ngayon sa secretariat ng Senado.
Sinabi naman ni Sen. Imee Marcos na mayroon siyang sariling Anti-Teenage Pregnancy Bill pero iba ito sa isinusulong ni Hontiveros.
“I have an entirely different anti-teenage pregnancy bill pero it was consolidated with Risa,” saad ni Sen. Imee Marcos.
Si Sen. Bong Revilla na kabilang sa naitalang co-author ay naghayag na rin ng kaniyang pag-aalinlangan. Paliwanag niya na kung Sex Education at may kinalaman sa abortion nga ang nilalaman ng panukala ni Hontiveros ay i-aatras niya ang kaniyang suporta.
Sinabi naman ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nag-aalala siya hinggil sa mga probisyon ng Senate Bill No. 1979. Ayon kay Escudero, iminungkahi niya ang ilang mga pagbabago sa panukalang batas at hindi siya sumusuporta sa kasalukuyan nitong anyo.
“It’s still undergoing the ‘rigors of legislation’ and is currently in the period of interpellation… will await the final version that will be put to a vote where, hopefully, most of my proposed amendments will be carried,” wika ni Sen. Francis “Chiz” Escudero, Senate President.