IBINAHAGI ng ilang mambabatas sa Senado ang kanilang mga inaasahang marinig sa unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Umaasa si Senador Jinggoy Estrada na kanyang maririnig sa SONA ni Pangulong Marcos ngayong darating na Lunes kung paano matutupad ang mga ipinangako noong kampanya na Bangon Bayan Muli.
Ito aniya ang magiging gabay nilang mga mambabatas sa pagpaprayoridad ng mga panukalang batas na isusulong sa 19th Congress.
“I look forward to hear the President’s vision of the future post COVID-19 and how to fuel the recovery of the economy after the onslaught of the pandemic,” pahayag ni Senator Jinggoy.
Ang pahayag ni Estrada ay sinegundahan ni Senadora Nancy Binay at PDP Laban Senator Lawrence Christopher “Bong” Go.
“Unang-una, ‘yung ano niya, kumbaga ano pa ‘yung nakikita niyang plano kung papa’no tayo makakaahon dahil sa epekto ng pandemic, dahil sa epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina,” ayon naman kay Senator Nancy Binay.
Sinabi ni Binay na bukod sa pandemya ay kailangan ding tugunan ng Pangulo ang patuloy na tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Nais naman ni Go na sana ay bigyan din ng pansin ni PBBM ang healthcare system ng bansa, murang pagkain, at ligtas na komunidad.
“Bilang senador, umaasa akong patuloy nating palalakasin ang ating healthcare system, may tiyak na supply ng murang pagkain, mas ligtas ang ating mga komunidad at mabilis ang magiging pagtugon sa mga sakuna at kalamidad, at mas maraming imprastraktura ang maitatayo upang mas maraming malikhang kabuhayan para sa mga Pilipino,” saad ni Go.
Interesado naman si Senator Bong Revilla na marinig ang plano ng Pangulo sa infrastructure spending.
“Umaasa tayo na mababanggit sa SONA ng Pangulo ang plano para sa patuloy na pagpapalakas ng infrastructure spending ng gobyerno na sinimulan ni former President Duterte,” ani Revilla.
Matatandaan na tinutukan ng nagdaang Duterte administration ang imprastraktura sa pamamagitan ng Build Build Build program.
Liban sa imprastraktura, gusto naman marinig ni Senator Robin Padilla kung ipagpapatuloy ba ni Pangulong Marcos ang drug war.
“Excited ako ano ba sasabihin niya tungkol sa drug war. Anong sasabihin niya tungkol sa ‘Build Build Build,” ani Padilla.
Partikular naman na interesado si Senator Sonny Angara sa plano kung papaano makikipagtulungan ang gobyerno sa pribadong sektor bilang partner.
“Ito po ang unang SONA ni Pangulong Bongbong Marcos at marami ang natuwa sa kanyang inaugural speech nung sinabi niyang gusto niyang makitang maging partner ng pribadong sektor ang gobyerno,” ayon kay Angara.
Pagpapabuti sa values o asal naman ng mga Pilipino ang nais marinig ni Senador Alan Peter Cayetano. Apektado raw kasi ang asal tuwing dumaranas ng matinding kapagsubukan tulad ng pandemya.
“First of all is values ha. There is a crisis on values eh on how we do things etc. to COVID pa rin talaga,” ayon kay Cayetano.
Para kay Senator Grace Poe, seguridad naman ng pagkain ang dapat tutukan.
Sa pangunguna ng Pangulo sa Department of Agriculture (DA), umaasa si Senator Poe na magagawaran ng sapat na pansin at pondo ang sektor para maiahon at maiangat ang output ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
“Ang gutom ay hindi dapat patuloy na dumurog sa ating pagsisikap na makabangon muli; lalong hindi nito dapat igupo ang pag-asa at kinabukasan ng mga batang pinakaapektado nito. Umaasa tayong ang feeding programs ng pamahalaan sa ilalim ng batas na ating ipinasa ay palalakasin at palalawakin upang marating ang lahat ng batang dapat maabot nito nang walang naiiwan,” saad ni Poe.
Bukod sa kahirapan, ang edukasyon ay dapat tutukan din ng Pangulo ayon kay Senator Win Gatchalian.
“Ang pinakamalaking problema pa rin natin ay kahirapan. So, paano po natin maipababa yan at tuloy-tuloy hanggang sa matapos ang termino ng Pangulo,” aniya pa.