Mga senador, nais magdeklara ng State of Emergency dahil sa ASF. Hinimok ng Senate Committee on Agriculture and Food ang Malacañang na magdeklara ng state of emergency dahil sa patuloy na epekto ng African Swine Fever (ASF) sa buong bansa na nagdulot ng pagkalugi na aabot sa 50 bilyong piso sa local hog industry.
Kinuwestyon ng mga senador, Agricultural Groups at Industry Representatives ang kontrobersyal na panukala ng Department of Agriculture (DA) na bawasan ang taripa at taasan ang Minimum Access Volume (MAV) para sa mga pork imports.
Naunang nirekomenda ni Senator Francis Pangilinan na dating Presidential Assistant for Food Security ang deklarasyon ng state of emergency sa Luzon upang agad na maipamahagi ang pondo sa mga hog raisers na tuluyan nang nalugi dahil sa ASF.
Sinuportahan naman ni Senator Nancy Binay ang mosyon na ito.
Inamyendahan naman ng komite ng pinangungunahan ni Sen. Cynthia Villar ang mosyon na ideklara ang state of emergency sa buong bansa dahil sa apila na rin ng mga hog raisers mula sa Visayas at Mindanao.
Sa ilalim ng state of emergency, maglalaan ang nasyonal na pamahalaan ng tulong pinansyal imbes na pautang na nais na gawin ng DA ayon kay Pangilinan.