Mga senador, nakiisa sa panawagan na kapayapaan at pagkakaisa ng INC

Mga senador, nakiisa sa panawagan na kapayapaan at pagkakaisa ng INC

SA gitna nang dambuhalang crowd ng National Rally for Peace and Reconciliation ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand ay spotted ang ilang senador.

Tila reunion ng mga politikong nauugnay sa PDP-Laban na kinabibilangan nina Senador Robin Padillla, Ronald “Bato” Dela Rosa, Christopher Lawrence ‘Bong’ Go, at Senador Francis Tolentino na dati nilang kasama sa partido.

Maging si dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica at Senador Bong Revilla ay naroon din.

Bagama’t karamihan sa mga nabanggit ay tatakbo sa halalan sa darating na Mayo ay kanilang binigyang-linaw na hindi sila dumalo para ligawan ang Iglesia na kilala sa block voting.

‘’I was not even invited, I am just here voluntarily para makiisa sa ating mga kababayan. Hindi ako pumunta dito porke’t kandidato mangangampanya ako, hindi. Nandito ako bilang ordinaryong Pilipino para makisama sa ating mga kababayan. So kung paakyatin tayo sa entablado pasalamat tayo,’’ ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

‘’Ako naman po ever since even the time of President Duterte, I am for peace. Matagal po akong nagtrabaho sa kanya. Gusto ko po ng kapayapaan. Peace on earth, peace on our country. Para makapagtrabaho na po tayo. Bawat oras minuto na nasasayang sa ‘di pagkakaunawaan, ang magsasakripisyo po ay ang taumbayan,’’ saad ni Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go.

Ang nationwide rally ng Iglesia ni Cristo ay isinagawa bilang suporta sa pahayag ni Bongbong Marcos na hindi siya sang-ayon na mapatalsik sa puwesto si Vice President Sara Duterte.

Si Senador Robin Padilla, ‘di nagpatumpik-tumpik sa kaniyang pahayag.

Sinabi ni Padilla na suportado niyang pareho ang UniTeam ni Bongbong Marcos at VP Sara pero sakaling gumulong ang impeachment proceedings sa Senado ay isang malaking NO sa impeachment ang kaniyang sagot.

‘’Siguro naman napakaplastic ko kung aakyat ‘yan sa Senado ay sasabihin ko na mag-iisip pa ako. Definitely ako po ay pabor sa sinabi ng ating pangulo. Ako ay pabor sa ating pangalawang pangulo,’’ ani Sen. Robinhood “Robin” Padilla.

Ang pamunuan ng Senado ay una na ring naglabas ng abiso na suspendido ang trabaho alinsunod sa utos ng Malakanyang na walang pasok ang mga opisina ng gobyerno sa Lungsod ng Pasay at Maynila bilang suporta sa peace rally.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter