PUMALO sa 33-degree Celsius ang init ng panahon, araw ng Martes, ngunit hindi ito alintana ng mga miyembro ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na maipahayag ang kanilang suporta sa founder nito na si Pastor Apollo C. Quiboloy.
Sa kaparehong araw kasi, tinangkang ipa-contempt ni Sen. Risa Hontiveros ang butihing Pastor dahil sa hindi nito pagpunta sa hearing kasunod ng inilabas na subpoena. Bagay naman na tinutulan agad ni Sen. Robinhood Padilla.
Nito lang kamakailan, iniharap sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ang mga testigo laban kay Pastor Apollo na ang ilan ay mga nakamaskara at nakatago ang tunay na mga pangalan.
Samantala, si Nanay Juvelita na matagal na rin sa paglilingkod sa KOJC, sinabi nito na binibigay ni Pastor Apollo ang kanilang mga pangangailangan nang walang kapalit.
Taliwas sa mga sinasabi ng mga kinuhang testigo na inaabuso, pilit na pinagtatrabaho ang mga miyembro ng KOJC.
“Hindi kami inaabuso, minamahal kami ni Pastor nang buong puso niya. Kung anuman ang kinakailangan namin, anjan si Pastor na tumutulong sa amin nang walang kapalit. Ang pagmamahal ni Pastor ay walang hanggan,” ayon kay Nanay Juvelita, Senior Citizen, Miyembro ng KOJC.
Matatandaan nito lang Lunes, kinalampag din ng libu-libong leaders ng KOJC ang Liwasang Bonifacio upang ipahayag ang kanilang pagkadismaya sa kasalukuyang administrasyon.
Ito na ang ikalawang sunod na araw na nagsagawa ng malaking rally ang KOJC laban sa pamahalaan at asahan na ito ay masusundan pa.
Nanindigan naman ang kampo ni Pastor Apollo na gagamitin nito ang kaniyang constitutional right at matatandaang una nang hinamon ng butihing Pastor ang senadora na dalhin sa korte ang mga akusasyon at huwag gawing hukuman ang Senado.