Mga sensitibong datos na makakasira sa kredibilidad ng 2022 elections, na-hack –tech expert

Mga sensitibong datos na makakasira sa kredibilidad ng 2022 elections, na-hack –tech expert

SA ekslusibong panayam ng SMNI News, idinetalye ng tech expert ang namonitor nilang hacking incident sa sistema ng Commission on Elections (COMELEC).

Ayon sa tech expert na si Art Samaniego, sensitibong mga impormasyon ang nakuha ng mga hacker na makakasira sa kredibilidad ng paparating na 2022 elections.

At mas sensitibong mga impormasyon raw ito kumpara sa naganap na COMELEC hacking noong 2016 elections.

“Kung ma-verify natin tong hack na’to ang kaibahan nito ngayon at kaibahan noon dahil personal information ng tao ang apektado. So ang kinatatakutan noon identity theft. Ngayon ang mga information nato, mga password, mga log in names, mga user name, absentee voters, location ng mga presinto tapos yung mga configuration files, hindi individual ang maaapektuhan nito eh ang maaapektuhan nito ang Pilipinas. Buong Pilipinas ang maaapektuhan nito kasi pwedeng gamitin para sa eleksyon kung ano man ang information pa na makukuha natin,” pahayag ni Samaniego.

Diin ni Samaniego, hindi agad nakipag-ugnayan sa kanila ang COMELEC sa isyu buhat nang matanggap nila ang impormasyon nitong weekend.

Ayon kay Samaniego, 1% lamang İto ng mga impormasyon na nakuha ng mga white hat hackers.

Pero may banta raw dito ang mga white hat hacker kung hindi sasagot ang Smartmatic sa issue.

“So kailangan magsalita ang Smartmatic tungkol dito. Pero merong sinasabi itong mga white hat hackers na’to na kung hindi ito aaminin ng Smartmatic at ng Comelec ilalabas nila ang lahat ng detalye. Ilalabas nila online ang lahat ng detalye na nadownload nila,” ayon kay Samaniego.

At sa nangyari, posible raw na magkaroon ng failure of elections dahil mawawalan na ng tiwala ang publiko sa automated election system.

Umaasa naman ang team ni Samaniego na ico-confirm ng COMELEC ang kanilang nakitang hacking incident.

“Kapag napasakamay to ng mga masasamang loob, imaginin mo alam na nila ang location latitude longitude ng mga presinto. Alam na nila kung sino ang naka-assign doon na tao, alam nila yung telephone number,” ayon pa kay Samaniego.

“Alam nila ang pin ng mga voting machine so pwede nilang ma-access anytime ‘yon,” dagdag ng tech expert.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng National Privacy Commission sa insidente.

Habang ang COMELEC, duda sa pahayag ng Manila Bulletin na unang nagpalabas ng report.

Ayon kay COMELEC spokesman James Jimenez, ang mga impormasyon na umano’y na hack ay hindi pa hawak ng poll body dahil nagpapatuloy pa ang kanilang configuration.

“The fact, however, is that such information still does not exist in COMELEC systems simply because the configuration files – which includes usernames and PINs – have not yet been completed. This calls into question the veracity of the hacking claim,” pahayag ni Jimenez.

Patuloy namang mag-iimbestiga ang poll body sa hacking issue.

BASAHIN: Phone number ni Facebook CEO Mark Zuckerberg, isa sa 533-M na nag-leak

SMNI NEWS