LIBU-libung residente ng Brgy. Magsaysay sa Parang Maguindanao ang nakatanggap ng tulong mula kay Pastor Apollo C. Quiboloy at People’s Republic of China.
Ilang araw matapos salantahin ng Bagyong Paeng ang Brgy. Magsaysay, ay bakas pa rin ang trahedya sa bawat sulok ng barangay.
Isa ang Brgy. Magsaysay sa 25 barangay sa Parang Maguindanao del Norte ang labis na nasalanta ng nagdaang bagyo at bagamat ilang araw na ang nakakaraan ay hindi pa rin nawawala ang epekto ng trahedya.
Ayon pa sa ilang residenteng nakapanayam ng SMNI Newsteam, hindi nila inaasahan ang biglaang pagtaas ng tubig sa lugar dahilan kung kaya’t ang iba sa kanila ay hindi agad nakalikas.
Para kay Kimberly Cabatuan, hindi niya malilimutan ang trahedyang dulot ng bagyo na muntik nang kumitil sa kanyang buhay matapos na ipaanod nito ang kanyang 3 buwang supling sakay ng isang ice chest para lamang mailigtas ito.
Ayon naman sa batang si Danica Zimbali, isang bata ang nagligtas sa kanyang lola at apat na mga kapatid kaya malaki ang kanilang pasasalamat na sa kabila ng muntik nang kapahamakan ay ligtas silang lahat na mag-anak.
Sa pagbiyahe ng grupo ng SMNI patungo sa lugar ay ilan sa mga tulay ay hindi rin pinalampas ni Bagyong Paeng o labis na naapektuhan, bagamat under repair pa ay maari namang madaanan ng ilang mga sasakyan.
Wasak na tahanan at sirang pangkabuhayan, ang kalunos-lunos na sitwasyon sa naturang barangay.
Samantala, sa kabila ng naganap na trahedya ay hindi naman natatapos ang pagkamit ng pag-asa at dumadating na tulong para sa mga residente.
Patunay na nga rito ang tulong na hatid mula kay Pastor Apollo C. Quiboloy na kanya nang ginagawa kahit pa sa nakalipas na mga taon sa pamamagitan ng SMNI Foundation katuwang ang People’s Republic of China sa pangunguna ni Chinese Ambassador Huang Xilian kung saan libu-libong sako ng bigas, balde-baldeng grocery items, tubig at mga pagkain ang ipapamahagi sa mga residente.
Bandang 10 ng umaga ng dumating ang mga relief goods mula sa Davao City lulan ng mga bus at trak kasabay ng mga volunteers.
Isa lang ito sa ginaganap na nationwide at simultaenous relief efforts ni Pastor Apollo at Chinese Embassy para sa ating mga kababayang nasalanta ng Bagyong Paeng.
Hindi matatawaran ang ngiti at kagalakan ng bawat residente dahil sa natanggap na tulong na hindi nila inaasahan.
Labis din ang pasasalamat ng ilang kinatawan ng gobyerno at iba pang volunteers sa tulong na dumating sa Bgry. Magsaysay.
Bagama’t hindi man nakarating nang personal si Pastor Apollo C. Quiboloy sa Brgy. Magsaysay ay masasabing matagumpay ang kanyang misyon sa pamamahagi ng tulong at pag-asa para sa mga residente kaya naman labis-labis ang pasasalamat ng bawat isa sa natanggap na tulong.
Matapos man ang araw na ito at di man nila malimutan ang trahedya ngunit sa tulong na kanilang natanggap ay nagkaroon ang bawat isa ng bagong pag-asa.