HINDI pa tukoy ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang petsa kung kelan maibebenta sa Kadiwa stores ang mga puslit na asukal.
Inihayag ni SRA acting Administrator Pablo Azcona na hindi pa masabi kung kelan maibebenta sa mga Kadiwa outlet ang mga nasabat na smuggled na asukal.
Hinihintay pa aniya kasi nila sa Bureau of Customs ang aktuwal na donasyon ng asukal upang agad na maibenta nang mura.
Inatasan din ni Department of Agriculture (DA) Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang SRA na mag-follow up sa BOC para mai-turn over na ang donasyong smuggled na asukal.
Pinaplano rin ng ahensiya ang pagbuo ng isang team na mangangasiwa sa agarang pag-turn over ng donasyong asukal.
Hindi rin hamon ang paghahanap ng mga kompanya na makatutulong para sa repacking ng asukal.
Isang private repacking company aniya ang nagmagandang loob na tumulong upang agad maibenta ito sa mga Kadiwa at supermarkets.
Umaasa naman ang SRA na agad itong maibibigay ng BOC upang maibenta at mapakinabangan ng mga konsyumer.