Mga suspek na nagbaliktad ng salaysay sa Degamo murder, nadagdagan ng 5

Mga suspek na nagbaliktad ng salaysay sa Degamo murder, nadagdagan ng 5

MULI na namang nadagdagan ang bilang ng mga suspek na umatras mula sa kanilang naunang salaysay.

Araw ng Lunes, Hulyo 3, nagsumite na ng sinumpaang salaysay ang lima pang mga suspek sa kasong pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ito ay ayon sa mga abogado ni suspended Cong. Arnie Teves na sina Atty. Ferdinand Topacio at Atty. Andres Manuel.

Dahil dito’y nasa kabuuang 10 suspek na ang bumaliktad ng kanilang salaysay kaugnay sa Degamo murder.

Kabilang sa lima pang nagsubmit ng affidavit of recantation sa nakaraang linggo ay sina Winrich B. Isturis, Eulogio L. Gonyon Jr., John Louie L. Gonyon, Joric G. Labrador, at Benjie Rodriguez.

Samantala, sa kaparehong araw rin ay naghain naman ng corrected affidavit ang isa pang suspek na si Vickmar Rayoso.

Ayon kay Atty. Manuel, kinumpirma ng mga respondent ang kanilang pagbaliktad via online.

Sa ngayon ay hinihintay pa ng kampo ang pisikal na kopya ng salaysay.

Matatandaang Hunyo 27 nang pormal na nagsumite ng recantations ang unang limang mga suspek.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter