Mga suspek sa pananambang sa mga pulis sa Ampatuan, Maguindanao tukoy na

Mga suspek sa pananambang sa mga pulis sa Ampatuan, Maguindanao tukoy na

TUKOY na ng Philippine National Police (PNP) ang mga nasa likod ng pananambang sa grupo ni Police Lieutenant Reynaldo Samson, chief of police ng Ampatuan Municipal Police Station kahapon.

Ayon kay PNP Public Information Office chief Police Brigadier General Roderick Alba, anim na suspek ang natukoy nila sa insidente at kasalukuyang tinutugis ng pulisya.

Kasabay nito, umapela si Alba sa publiko na maging mapagbantay sa paligid at iulat ang sinumang kahina-hinalang indibidwal sa kanilang lugar.

Nabatid na magsisilbi sana ng warrant of arrest ang grupo ni Samson nang mangyari ang pananambang sa Barangay Kapinpilan.

Maliban kay Samson, nasawi rin si Police Corporal Salipuden Talipasan Endab habang nasugatan ang tatlo pang pulis.

Iginiit naman ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na maaalala ang katapatan ng kanilang mga tauhan na tinupad ang tungkulin.

Follow SMNI NEWS in Twitter