Mga taga PUP, pumalag sa panawagang ibasura ang DND-PUP Accord

TINUNGO ng mga taga PUP- Board of Regent ang tanggapan ni Duterte Youth Partylist Rep. Marie Cardema sa loob ng Batasang Pambansa.

Ito ay para igiit ang kanilang karapatan matapos ipanawagan ni Cardema sa Department of National Defense (DND) na ipawalang bisa na rin ang PUP-Prudente-Ramos Accord.

Kasunod ito ng pagbasura ng DND sa kanilang accord sa University of the Philippines.

Dala ang kanilang liham, ipinaliwanag ng mga taga-PUP ang kanilang pagtutol sa panawagan ni Cardema.

Iginigiit ni PUP Student Regent Ellenor Joyce Bartolome at PUP Central Student Council Pres. Jonero Dacula na respetuhin ang academic freedom ng PUP.

Hiling nila na magkaroon ng resolusyon ang Kamara at Senado na kumokontra sa pagkalas ng DND sa UP-DND at PUP-DND Accord.

Hiling din nila na magkaroon ng dayalogo ang DND sa mga pamantasan kaugnay sa mga kasunduang pinasok gaya ng sa UP at PUP.

Nais din nila na buhayin at repasuhin ang Magna Carta of Students at iba pang kaugnay na batas na poprotekta sa mga kabataan.

Isang indignation rally naman ang ginawa ng mga estudyante ng PUP kahapon ng umaga.

Mga taga Anakbayan sa PUP ang nanguna sa protesta.

Ang Anakbayan ang isa sa mga grupong iniuugnay sa CPP-NPA- NDF bilang front organization ng mga makakaliwa.

Rason naman ng DND sa pagkalas sa UP Accord, nagiging pugad ng mga kalaban ng gobyerno ang UP.

Samantala, nanindigan naman si Cardema na dapat lamang isunod ng DND ang pagbasura sa kasunduan nito sa PUP.

Giit ni Cardema, magkakaroon ng inequality sa mahigit 400 State Universities & Colleges sa buong bansa kung hindi tutuluyan ang DND-PUP Accord.

“As Vice-Chairperson of the House Committee on National Defense & Security, I call on the DND to also cancel its similar PUP-DND accord because it creates inequality among the more than 400 campuses of the different State Universities & Colleges (SUCs) across the nation, for it gives special treatment to only two SUCs,” pahayag ni Cardema.

Nanindigan din si Cardema na ang mga kasunduan sa UP at PUP ng DND ay matagal nang naaabuso.

Aniya, tama lamang na tanggalin ito dahil marami namang institusyon sa bansa na walang accord sa DND subalit mapayapa at walang gulo.

Special treatment aniya ang mga accord na ito.

“Itong UP-DND Accord & PUP-DND Accord ay klarong klaro na special treatment na inabuso na, sa tagal ng panahon. Kung sa 400 plus campuses ng iba’t ibang SUCs ng bansa wala namang ganyang accord pero peaceful naman, tama lamang tanggalin na ang special treatment na yan na naaabuso rin naman,” pagdiin ni Cardema.

Itinanggi rin ng Duterte Youth na red-tagging ang kanilang ginagawa sa academic institutions.

Nais namang paimbestigahan sa Kamara ni Albay Rep. Edcel Lagman ang pagkalas DND sa UP Accord.

Ani Lagman, iligal ang ginawa ni Defense Secretary Delfin Lorenzana dahil ang accord ay “bilateral at mutual” at hindi ito maaaring kanselahin ng isang partido lamang- bagay na ginawa ng DND.

Ang House Committee on Human Rights naman ang nais ni Lagman na mag-imbestiga rito.

SMNI NEWS