Mga tagasuporta ng ABS-CBN, emosyonal sa pagbasura sa aplikasyon ng prangkisa

Mga tagasuporta ng ABS-CBN, emosyonal sa pagbasura sa aplikasyon ng prangkisa

NAGPAPATULOY pa rin ang programa ng mga tagasuporta ng ABS-CBN, kabilang dito ang mga empleyado at ilang artista ng Kapamilya Network.

 

Lumahok din ang ilang grupo kagaya ng Gabriela, Kabataan Partylist, National Union of Journalists of the Philippines at ang dating kongresista na si Neri Colmenares.

 

Lahat ng mga ito ay nagpaabot ng kanilang pagkadismaya sa lumabas na desisyon ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagpapawalang-bisa at pagbasura ng prangkisa ng ABS-CBN.

 

Sa pahayag ni Kabataan Partylist Representative Sara Elago, isang paglabag sa kaparatan ng pamamahayag o freedom of the press ang ipinunto nito sa tuluyang pagkawala sa ere ng Kapamilya Network.

 

Habang ayon naman sa kinatawan ng Gabriela, personal interes anila ang nanaig sa ginawang desisyon ng mga miyembro ng House Committee on Legislative Franchise at Good Governance and Public Accountability.

 

Ayon sa NUJP, suportado nito ang paninindigan ng ABS-CBN network na wala itong nilabag na batas gaya ng ipinupukol na hindi pagbabayad ng tamang buwis.

 

Sinisisi naman ng grupong Sentro ang mga kongresista na bumoto pabor sa pagbasura ng prangkisa ng ABS-CBN.

 

Anila, kawalan ng konsensiya ang ginawang hatol ng Kamara sa kanilang sinusuportahang TV network.

 

Sa gitna ng caravan, mahigpit din ang pagbabantay ng mga security officers ng istasyon sa ilalim ng ipinatutupad na social distancing dahil pa rin sa malawak na banta ng COVID-19.

 

Bilang pagpapahayag ng suporta, maraming pribadong sasakyan ang nagpapatunog ng kanilang busina sa harapan ng gate ng istasyon ng Dos.

 

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.