Mga tagasuporta ni VP Sara, muling nagtipon sa labas ng VMMC

Mga tagasuporta ni VP Sara, muling nagtipon sa labas ng VMMC

MULING nagtipun-tipon sa labas ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) nitong Linggo ng gabi ang mga taga-suporta ni Vice President Sara Duterte para kondenahin ang pangha-harass sa Office of the Vice President (OVP).

Kasalukuyang nagpapagaling sa Veterans ang chief of staff ni Vice President Duterte na si Atty. Zuleika Lopez kasunod ng naging tensiyon sa Kamara.

Bagamat hindi nakadalo nang personal sa nasabing rally, nagpaabot naman ang bise ng virtual message sa mga taga-suporta.

Aniya ramdam niya ang hinaing ng taumbayan.

Pagbibigay-diin ng bise na may karapatan sila na mag-demand sa gobyerno.

“Ang lagi kong panawagan sa taongbayan ay hingin, idemand sa gobyerno na naibigay nila ang serbisyo na karapat-dapat para sa mga Pilipino,” pahayag ni Vice President Sara Duterte.

Sa kaniyang mensahe, pinuna ni VP Sara ang mga politiko na hindi tinutupad ang mga pangako sa taumbayan tuwing kampanya.

Gaya na lamang ng P20 na bigas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipinangako niya noong 2022 Presidential elections.

“Kapag ang politiko ay nag-promise na magbibigay ng P20 per kilo na bigas dapat tinutupad iyon dahil binoto ka ng mga tao base sa mga sinabi mo. Base sa mga kampanya mo,” ayon kay Vice President Duterte.

Sabi ni Vice President Duterte hindi dapat pinapahirapan ng gobyerno ang mga Pilipino—bagkus dapat nitong isinusulong ang hustisya at karapatan ng mga mamamayan.

VP Sara, muling hinamon ang mga taga-gobyerno na magpa-drug test

Hinimok naman ng bise ang taumbayan na mag-demand ng mga matitinong mamumuno sa bansa.

Kaugnay nga niyan ay muli niyang hinamon ang mga nagtatrabaho gobyerno na sumailalim sa drug test.

“Psychological test kahit ano iyan. Neuro psychiatric test kahit ano pang test iyan, gagawin ko iyan. Dagdagan ko pa ng drug test. Pero dapat magpa-drug test ang lahat ng nagtatrabaho sa Office of the President, sa Office of the Vice President, sa lahat ng mga opisina ng Senado, sa lahat ng opisina ng House of Representatives, sa lahat ng departamento ng ating bayan, ng ating pamahalaan,” giit ni VP Duterte.

Sabi ni VP Duterte, pangungunahan ng kaniyang tanggapan ang pagpapa-drug test.

Sa ngayon naman aniya ay wala nang mapuna ang kasalukuyang administrasyon sa kaniya at ginagawa na lamang siyang panakip-butas.

“Pinagtatakpan ninyo ang mga kakulangan ng pamahalaan. Ako ang ginagawa ninyong punching bag para hindi napapansin, nakikita, naririnig ng mga tao ang kalokohan, ang korupsyon at ang katiwalian na ginagawa sa gobyerno.  Magpa-drug test tayong lahat sa harap ng taong-bayan,” giit pa ng Bise Presidente.

Ngayong Lunes, muling itutuloy ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang kanilang pagdinig kaugnay sa paggamit ng confidential funds ng OVP at Department of Education.

Kung makakadalo ba si Lopez sa nasabing hearing, ito ang sagot ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na isa sa mga nagbabantay sa abogado sa Veterans.

Pag-uwi ni OVP Usec. Lopez, hindi mahahadlangan oras na ma-expire ang contempt order laban sa kaniya—Sen. Dela Rosa

“I think the contempt order will expire tomorrow. It will last until tomorrow. So baka after tomorrow, hindi na siyang, kung mag-expire na ang contempt order nothing is holding her from going home,” saad ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa.

Nakadepende rin aniya ang pagdalo ni Lopez sa abiso ng kaniyang doktor.

Kaugnay pa ng pagka-expire ng contempt order, hindi na rin aniya malilipat si Lopez sa Women’s Correctional Facility.

Ani Dela Rosa, wala pang komunikasyon ang nasabing komite kay Lopez maliban na lang sa isang doctor mula sa Kamara na bumisita sa kaniya para alamin ang estado ng kalusugan ng abogado.

Kung pipilitin umanong dumalo si Lopez sa pagdinig ng kamara, nakahanda umano ang kampo ng abogado sa kanilang susunod na hakbang.

“Of course may mga iniisip na rin iyan na contingency plans,” dagdag ni Sen. Dela Rosa.

Ilang pulis ang tumungo sa kwarto ni Lopez sa loob ng detention center ng House of Representatives nitong madaling araw ng Sabado para ilipat sana si Lopez sa Women’s Correctional Facility sa Mandaluyong base sa kautusan ng Kamara.

Bagay na tinutulan ni Vice President Duterte na tumatayo noong abogado ni Lopez.

Dumaing na ng chronic backpain si Lopez pero hindi siya agad nadala sa ospital dahil ayaw papasukin ang ambulansiya sa loob ng Batasan.

Nagsusuka ang abogado at nahimatay dahil sa panic attack, dahilan para isugod na siya sa ospital.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble