TRABAHO ang mas importante kumpara sa mga ibinibigay na ayuda.
Ito ang mas mainam gawin ng gobyerno ayon kay Senatorial Aspirant Col. Ariel Querubin sa ikatlong episode ng Sukatan: The SMNI senatorial interview.
Aniya, ang pamamahagi ng ayuda ay isang panandalian lang na solusyon sa ilang mga problemang kinakaharap ng bansa gaya ng inflation.
Ang madalas pa na nabibigyan nito ay mga kaalyado lang din ng mga namimigay.
Para naman sa senatorial aspirant na si Atty. Jimmy Bondoc, tamang gamot ang pamamahagi ng ayuda kung may problema.
Ngunit binigyang-diin niya na nagreresulta rin ang pamamahagi ng ayuda upang mas maging dependent at magiging tamad ang mga tao.
Si Atty. Vic Rodriguez, sinabing wala pa aniyang makakapagpatotoo na isang tao na bumuti ang kaniyang buhay dahil sa pamamahagi ng ayuda.
Aniya pa, mistulang binibigay lang na walang direksiyon ang perang nagmumula sa buwis ng mga manggagawa rito sa mga ayuda program ng gobyerno.
Sa kasalukuyan, may mga ayuda program ang bansa tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS); Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD); at Medical Assistance for Indigents and Financially Incapacitated Patients Program (MAIPP).