MAGSISIMULA na ang filing ng certificate of candidacy (COC) sa Oktubre para sa mga gustong kumandidato sa nalalapit na midterm election.
Kaya naman sunud-sunod na ang official announcements ng iba’t ibang political parties para sa kanilang official senatorial ticket sa 2025.
Kabilang dito ang Partido Demokratiko Pilipino (PDP) na nagdaos ng kanilang National Assembly nitong nakaraang Biyernes, Setyembre 20, 2024.
Sa anunsiyo ng chairman ng partido na si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, pormal nang pinangalanan si Sen. Christopher “Bong” Go bilang isa sa mga pambato sa susunod na taon.
Tinawag ng dating Pangulo na “honest” si Sen. Bong Go at tiniyak na “hindi lugi” ang publiko kung mabibigyan ang senador ng ikalawang termino.
“God Willing kung gusto pa ng Panginoon na makapag serbisyo pa kami, ipagpapatuloy namin ‘yung gobyerno na may tapang at malasakit sa kapwa Pilipino,” saad ni Sen. Go.
Kabilang din sa official senatorial slate si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa at ang aktor na si Philip Salvador.
Ayon kay Sen. Bato at Philip Salvador, patuloy nilang paglilingkuran ang mga Pilipino sa gitna ng kaniyang dinadanas na political persecution.
“Eh kung ako po ay matatakot sa pambabatikos nila ay hindi po ako PDP. Ako po ay PDP. Tinatanggap ko po ang aking nominasyon,” ani Philip Salvador.
“Even before the recent development I have already decided to run for re-election. Lalong-lalo na ngayon na araw-araw akong minemention sa quadcom sa House of Representatives. Araw araw na binubugbug tayo. Hindi ako papayag na bugbugin tayo. lalaban tayo,” ayon naman kay Sen. Bato.
Sa parehong araw ay inendorso rin ng partidong LAKAS-Christian-Muslim-Democrats si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. bilang kanilang official senatorial candidate sa 2025 midterm elections.
Si Revilla ay miyembro na ng LAKAS-CMD sa loob ng 30 taon. Ito ay mula sa kaniyang pag-upo bilang vice-governor ng Cavite hanggang sa maging senador siya.
Sa Nacionalista Party naman ay inilahad ni Sen. Cynthia Villar na tatakbo sa pagka senador si Congresswoman Camille Villar kasama ang dalawang re-electionist na sina Sen. Pia Cayetano at Sen. Imee Marcos.
Inaasahan naman na magbabalik sa Senado ang mga dating senador na sina Ping Lacson ng Partido Reporma, Francis “Kiko” Pangilinan ng Liberal Party, Tito Sotto ng Nationalist People’s Coalition, at Bam Aquino ng Katipunan ng Nagkakaisang Pilipipino.
Si dating Sen. Manny Paquiao, Sec. Benhur Abalos, Cong. Erwin Tulfo, Mayor Abby Binay, at Lito Lapid ay inaasahan naman na magiging bahagi ng senatorial slate ng administrasyong Marcos.