DAHIL sa isyu ng pakikisimpatiya ng ilang pulis kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na mahigpit nilang ipinagbabawal ang pagiging partisan sa politika sa ilalim ng kanilang umiiral na polisiya.
Ayon sa PNP, nauunawaan nila ang pagkakaiba-iba ng pananaw at paniniwala ng kanilang mga tauhan, ngunit mahigpit nilang ipinagbabawal ang anumang pagpapahayag ng hinaing laban sa gobyerno o anumang isyu sa pamahalaan.
Sa kabila ng mga natukoy na paglabag, sinabi ni PNP Chief General Rommel Marbil na palalampasin muna nila ang insidente. Gayunman, muling ipinaalala niya sa kanilang mga kawani na huwag makialam sa politika at manatiling tapat sa kanilang tungkulin bilang alagad ng batas.
Samantala, nilinaw rin ng PNP na wala silang natatanggap na anumang aplikasyon ng pagbibitiw mula sa kanilang hanay kasunod ng mga nangyari kay dating Pangulong Duterte. Kasabay nito, inaalam na rin ng Anti-Cybercrime Group ang mga account sa social media na diumano’y nagpapahayag ng diskuntento sa pamamalakad ng PNP.