Mga telco, handa na sa pag-uumpisa ng SIM registration

Mga telco, handa na sa pag-uumpisa ng SIM registration

MULING tiniyak ng DICT, NTC at telcos ang kaligtasan sa nakatakdang pagpaparehistro ng mga SIM card holders.

Simula alas-dose ng madaling araw ng Disyembre 27, pwede mo nang iregister ang iyong SIM.

Paalala ng mga telco provider na makukuha lamang ang registration link sa pamamagitan ng kanilang website at walang ipapadala sa pamamagitan ng text.

Kinumpirma ng National Telecommunications Commission (NTC) na may mga ulat na silang natatanggap na may scam text messages para makakuha ng detalye.

Inatasan na anila ang mga telco na iblock ang mga ito.

Ayon sa mga telco provider na sa loob lamang ng 5 minuto ay maaari mo nang maregister ang iyong SIM card.

Kailangan lang pumunta sa website ng iyong telco provider at i-click ang link kung saan magreregister.

Sa online form, punan lamang ang mga detalye tulad ng iyong pangalan, birthday, gender, address at mag-upload ng isang valid ID.

Maaaring gamitin ang NBI o police clearance sa pagregister kung walang ID.

 Selfie, kinakailangan para sa mag-rehistro ng kanilang SIM card – DICT 

Bukod pa rito, obligado rin na mag-selfie ang isang registrant bilang bahagi ng verification process.

Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT) ito ay para maiwasan ang paggamit ng pekeng identity.

Pananagutin naman sa batas ayon sa DICT ang mga mahuhuling gagamit ng pekeng identity o pangalan.

Mga aberya sa proseso ng pagregister ng SIM, maaaring isumbong – DICT

Nagbukas naman ng linya ang ahensya kung saan maaaring isumbong ang mga aberya ng mga magreregister ng kanilang mga SIM cards.

Para naman sa mga malalayong lugar, tutulong ang mga LGU na magsagawa ng massive information campaign ukol sa SIM card registration ayon sa DILG.

Magtatayo rin ng mga registration sites sa mga barangay ng mga malalayong lugar.

Follow SMNI NEWS in Twitter