PABOR si presidential candidate Bongbong Marcos na ituloy ang localized peace talks ng kasalukuyang administrasyon para makamit ang kapayapaan.
Sa isinagawang presidential debate ng SMNI, sinabi ni Marcos na isa ito sa mga paraan para matuldukan ang terorismo sa bansa.
Nagpahayag din ng suporta si Marcos sa mga programa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) partikular na sa pagbabalik-loob ng mga miyembro ng komunistang rebeldeng grupo.
Kasama rin sa ipinunto ni Marcos na makatutulong para masolusyunan ang terorismo bukod sa localized peace talks at mga programa ng NTF-ELCAC ay ang pagbibigay ng desenteng edukasyon at trabaho sa mga Pilipino.
Muli namang binigyang-diin ni Marcos na walang ibang maaaring itrato sa mga terorista kundi mga kaaway o kalaban ng bansa.