KAABANG-ABANG ang mga tradisyunal na pagkain sa tuwing Misa de Gallo.
Ang simbang gabi ay isang kinaugaliang sa Pilipinas tuwing panahon ng kapaskuhan.
Tatagal ito sa loob ng siyam na araw bago sumapit ang araw ng pasko.
Bukod sa pakikinig ng sermon, isa rin sa inaabangan ng mga Pilipino ang mga pagkain tuwing Misa de Gallo.
Dahil isang gabi na lang bago ang simbang gabi, tiyak na matatakam ka sa mga pagkain na dapat mong matikman pagkatapos magsimba.
Nariyan ang puto bumbong na pinakapaborito ng mga tao, kulay violet na malagkit na nilagyan ng mantikilya at madalas ay nakabalot sa dahon ng saging.
Mas masarap kung bubudburan ng niyog at mascuvado o brown sugar.
Ang bibingka, ay niluluto sa pamamagitan ng baga sa ilalim at ibabaw nito. Gawa ito sa giniling na bigas at masarap kung mayroong keso sa ibabaw o tinatawag na special.
Pwede rin itong lagyan ng butter, itlog na pula at niyog depende sa iyong panlasa.
Sikat din ang Puto, Suman, at tsokolate.
Si aling Susan Javier, mahigit dalawang dekada nang nagtitinda ng mga kakanin sa Baclaran at madalas ito na rin ang bumubuhay sa kanilang pamilya.
Kaya ngayong unti-unting nagbubukas ng ekonomiya, umaasa sila na makakabawi na sila ng mabilis dahil dumadami na ang tao.
Samantala, dahil sa mga inaasahang pagdagsa ng tao sa mga simbahan, pinaalala rin ng PNP na huwag kalimutang isarado ang mga pintuan at bintana ng bahay kung saan maaaring makapasok ang mga masasamang loob dito.