PABOR ang lahat ng mga kandidato sa pagka-senador na lumahok sa ikalawang SMNI Senatorial debate na ma-institutionalize ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Bukod pa rito, payag din ang mga senador na patuloy na pondohan ang NTF-ELCAC.
Naniniwala sina Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Chief Presidential legal counsel Salvador Panelo na ang pondo ng NTF-ELCAC ay nagagamit para sa ika-uunlad ng buhay ng mga lugar na pinamumugaran ng mga rebelde.
“Napakatanda na po ng insurgency sa ating bansa, napakalaking pera ang ginugugol natin diyan para lamang labanan ang insurgency ngunit hindi nagtagumpay ‘yan. At ang nakita kong pagtatagumpay ay nakukuha sa localized approach ng administrasyong Duterte,” ayon kay Marcoleta.
Samantala, sinabi ng Chairman of the Federation of Philippine Industries Jesus Arranza na hindi military activity ang ginagawa ng NTF-ELCAC kundi pagtulong sa mga tao na nasa mga liblib na lugar.
“Ang pagka-alam ko, ang ELCAC ay binibigyanng karapatan ‘yung mga barangay, lahat ‘yan na magkaroon sila ng sariling kabuhayan, sariling paghahanap-buhay upang sa ganoon, mawala nila ‘yung mga paghihikayat sa kanila na sumama doon sa mga rebolusyonaryo,” saad ni Arranza.
Mariin namang tinanggihan ni former Chairman of the Presidential Anti-corruption Commission Greco Belgica ang pagbibigay ng permit to campaign free sa mga rebelde.
Aniya, hindi siya pabor na bigyan ito ng pera dahil lalo lamang tatagal ang pakikipaglaban nito sa gobyerno.
“Hindi ho, over my dead body. Bahala na siya sa kampanya niya pero kung ako ho ang nasa lugar niya, hindi ko gagawin ‘yan. In fact, nandiyan ang NTF-ELCAC, andiyan ang mga kasundaluhan, ‘yun ang lapitan niya dahil funding the will only lengthen the war or the ‘awayan’ and we should stop doing that,” paliwanag ni Belgica.
Sang-ayon naman dito ang former chairman ng Mindanao Development Authority na si Manny Piñol na hindi bigyan ng pera ang mga rebelde.
Kaugnay nito, pabor din ang dalawang babaeng senatorial candidate na Sina Dr. Minguita Padilla at Usec. Astra Pimentel sa mga ginagawang pagtulong ng NTF-ELCAC sa ilalim ng administrasyong Duterte.