NANINIWALA ang mga senatorial candidates na lumahok sa senatorial debates ng SMNI na maganda ang maidudulot ng renewable energy sa bansa.
Ayon kay Atty. Harry Roque, hindi lamang ito usapin ng enerhiya kundi ito ay usapin ng buhay.
Aniya, mas maganda ang renewable energy sa mundo kaysa sa paggamit ng fossil fuels na nakakapag-contribute sa climate change.
Dagdag pa ni Roque, dapat hikayatin ang mga electric cooperatives na gumamit ng renewable energy.
Samantala, ginawa namang halimbawa ni Atty. Larry Gadon ang Bangui Wind Farm na inisyatibo ni presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Aniya, ito ang dapat tularan ng bansa.
Saad pa ni Gadon, dapat ding taasan ang feed in tariffs para sa mga solar energy producers upang mahikayat ang mga ito na mag-invest dito.
Samantala, gusto naman ng radio personality at educator na si Carl Balita na tutukan ang sektor ng edukasyon upang masuportahan ang mga mananaliksik na maaaring makatulong sa pag-unlad ng renewable energy sa bansa.