NATUKLASAN sa isang bagong pag-aaral na ang ultra processed at mga microwaveable na pagkain ay responsable sa cognitive decline o pagiging makakalimutin.
Kung mahigit sa 20 porsyento ng kinakain mo sa bawat araw ay ang mga ultra processed na pagkain, maaaring isa ka sa mga taong nagiging makakalimutin at maaring magkaroon ng dementia.
Ang mga kalahok sa pag-aaral na ang kinakain karamihan ay mga ultra processed na pagkain o mga microwaveable ay may 25 porsyento na posibilidad ng mas mabilis na rate ng executive function decline habang 20 porsyento naman sa pangkalahatang cognitive impairment kung ikukumpara sa mga hindi masyadong kumakain ng ultra processed foods.
Ayon sa pag-aaral na inilathala sa Jama Neurology, ang tao na kumakain ng ultra processed na pagkain na mas mahigit sa 20% ay nagbabadya na magkaroon ng dementia dahil ang bahagi ng utak na tumatrabaho sa executive functioning na may kakayahang magproseso ng impormasyon at gumawa ng mga desisyon ay humihina.
Gayunpaman, kung ang kalidad ng pangkalahatang diyeta naman ay mataas sa prutas at gulay, whole wheat at mayaman sa protina, pinapahinto nito ang pagbaba ng abilidad sa pag-iisip.
Ang mga ultra processed na pagkain ay karaniwang mataas sa asukal, asin at taba, na nagdudulot ng pamamaga sa buong katawan, at pinaka-pangunahing banta sa malusog na pagtanda sa katawan at utak ayon sa mga eksperto.
Hinihikayat ng mga dietician ang mga tao na itigil ang pagtangkilik sa mga super processed na pagkain at umaasa na pagtuunan ng pansin ng mga opisyal sa pampublikong kalusugan ang pangkalahatang kalidad ng kinakain ng mamamayan.