Mga UV Express, pinaghahandaan na ang pagbabalik-kalsada

Mga UV Express, pinaghahandaan na ang pagbabalik-kalsada

BAGAMA’T wala pang malinaw na guidelines mula sa LTFRB, abala na sa paghahanda ang ilang tsuper ng UV Express na umaasang makababalik na sa pamamasada simula ngayong Lunes, Hunyo 29.

 

Nauna na kasing tiniyak ng Malakanyang at LTFRB na makababalik na ang mga ito sa pamamasada bagama’t hindi pa man tiyak dahil sa kakulangan ng guidelines para sa opisyal na pag-arangkada ng mga ito sa daan.

 

Ang iba, agad nang pumuwesto sa may Mall of Asia bilang paghahanda sa kanilamg operasyon,  pero nilinaw na wala pa silang biyahe ngayong araw.

 

At bilang paghahanda, ilang mga UV Express ay nagsimula nang idisinfect ang kanilang mga sasakyan at nilalagyan ng plastic partition upang mapanatili ang physical distancing.

 

Bumili na rin ang mga ito ng alcohol, foot bath, thermal scanner para sa mga sasakay na pasahero at log book para naman sa contact tracing.

 

Aminado ang ilang tsuper na dagdag gastusin ito para sa kanila subalit kanila itong tatanggapin upang makabalik lamang sa pamamasada at may mai-uwi nang kita para sa kanilang pamilya.

 

Ilan sa mga tsuper,  nasa mahigit tatlong buwan din silang naghintay na makabalik sa lansangan.

UV Express
Si Mang Rudy Sobrepena, malaki ang nawala sa kanilang kita at hanapbuhay nang mawala ang public transport sa Metro Manila dulot ng pandemya na COVID-19

Kagaya ni Mang Rudy Sobrepena, malaki ang nawala sa kanilang kita at hanapbuhay nang mawala ang public transport sa Metro Manila dulot ng pandemya na COVID-19.

 

Aniya, hirap ang dinanas nila sa tatlong buwan na walang kita,  walang mapagkunan ng hanapbuhay at pangkain sa kani-kaniyang mga tahanan.

 

Sa ngayon, umaasa sila na paunti-unti makababawi din sila sa kita dahil sa ilalim ng new normal guidelines, nasa 50 percent lang ang papayagang makasakay  at bagama’t lugi, sisikapin pa rin nilang kumita para sa kanilang pamilya

 

Noong Marso, natigil ang pagpasada ng mga pampublikong sasakyan bilang bahagi ng community quarantine measures na ipinatupad para makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease.

 

Ilang uri ng public transportation ang nagtuloy ng operasyon nang luwagan ang mga lockdown nitong Hunyo.

 

Idinaing ng maraming jeepney driver at operator ang kawalan ng kabuhayan nitong mga nagdaang buwan ang ilan sa kanila ay nauwi na sa paglilimos.

 

POL MONTIBON

Leave a Reply

Your email address will not be published.