SA paggunita ng National Refugee Day ngayong Hunyo 20, pinangunahan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang isang medical at humanitarian mission para sa mga asylum seeker na pansamantalang naninirahan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa MIAA, layunin ng outreach na makapagbigay ng konkretong tulong sa mga banyagang naghahanap ng ligtas na buhay sa Pilipinas.
Noong Hunyo 17 at 20, isinailalim sa physical check-up, ECG screening, at blood sugar testing ang 17 asylum seeker mula Burundi at Pakistan. Kasabay nito, namahagi rin ng food packs at hygiene kits ang DSWD.
Giit ni MIAA General Manager Eric Jose Ines, mahalagang kilalanin at tulungan ang mga banyagang naghahanap ng masisilungan sa bansa.
“MIAA was proud to take part in the national observance of Refugee Day by extending concrete assistance to those who have sought refuge in our country,” saad ni MIAA General Manager Eric Jose Ines.
Ang inisyatiba ay alinsunod sa Presidential Proclamation No. 265, series of 2023 na nagtatakda sa Hunyo 20 bilang National Refugee Day bilang pagkilala sa dignidad at karapatan ng mga refugee.