MIAA, nakahanda sa pagdagsa pa ng mga pasahero ngayong Christmas season

MIAA, nakahanda sa pagdagsa pa ng mga pasahero ngayong Christmas season

TINIYAK ng pamunuan ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang kahandaan nito sa inaasahang pagdagsa pa ng mga pasahero ngayong Christmas season.

Sa isang panayam, sinabi ni MIAA General Manager Bryan Co na pagpatak pa lang ng Disyembre 1 ay nagsimula na silang mag-deploy ng extra measures.

Tiniyak ni Co na may sapat na resources ang MIAA partikular ang mga tauhan at kagamitan para masiguro din ang seguridad ng mga pasahero sa paliparan.

Inaasahan ng MIAA na aabot ng 140,000 na mga pasahero ang dadagsa kada araw sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Malugod namang ibinalita ni Co na nakapagtala ngayon ang pamunuan ng nasa 800 flights bawat araw.

Kaugnay rito, inihayag ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista ang kahandaan din ng mga paliparan sa probinsiya.

Ani Bautista, inatasan na niya ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na tiyakin na ang lahat ng airports ay maayos na napapangasiwaan.

PAL, posibleng magdagdag ng direct flights mula Manila patungo sa bagong US destinations Samantala, iniulat ni Philippine Airlines (PAL) President & Chief Operating Officer Stanley Ng na posible itong magdagdag ng iba pang direct flights mula Manila patungo sa bagong destinasyon sa United States sa ikatlong quarter sa 2024.

Saad ni Ng, hindi pa niya mailalahad ang eksaktong lugar sa Estados Unidos, subalit nagbigay siya ng clue na ito ay nasa West Coast.

Dagdag pa ng PAL president, pinag-aaralan pa nila ang iba’t ibang opsiyon at depende rin ito sa lease plane na kukunin nila sa susunod na taon.

Dito naman sa Pilipinas, inanunsiyo ni Ng na nakatakdang ilunsad ng PAL sa Disyembre 15 ang kauna-unahang direct flight mula Cebu patungong Laoag.

Nitong Lunes, Disyembre 11, pinangunahan nina PAL President Stanley Ng, PAL EVP Atty. Carlos Luis Fernandez, PAL spokesperson Cielo Villaluna, DOTr Sec. Jaime Bautista, MIAA General Manager Bryan Co at iba pang opisyal, ang Christmas Tree Lighting ceremony sa NAIA Terminal 1.

Sinabi ni Ng na maituturing na ‘best year’ ang taong ito para sa PAL matapos maka-recover mula sa pandemya.

“The whole travel industry has been recovering since last year and this year I think will be the best year for Philippine Airlines. So, we really want to celebrate this with everyone and put up a Christmas tree to symbolize a renew PAL and of course we have a new home also, the terminal 1 at the moment,” ayon kay Stanley Ng, President & COO, PAL.

Ibinahagi naman ng PAL ang alok na promo ng airlines ngayong Christmas season.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble