LAGDA na lang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang kulang para tuluyan nang maisabatas at mabuo ang Maharlika Investment Fund (MIF).
Kasunod ito ng pag-adopt ng Kamara sa bersiyon ng Senado sa panukalang Maharlika Investment Fund sa isinagawang bicameral conference meeting nitong Miyerkules, Mayo 31.
Sa ilalim ng panukalang batas, nais nitong bumuo ng Maharlika Investment Corporation (MIC) na tanging awtorisado na gumamit sa MIF para sa mga transaksiyon para pataasin o palakihin ang return on investments (ROI).
Nakasaad sa naturang panukalang batas na manggagaling ang pondo ng MIF mula sa mga ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang mga government owned and controlled corporations (GOCCs) o sa mga government financial institutions maliban sa Social Security System, Government Insurance System, PhilHealth, Pag-IBIG Fund, Overseas Workers Welfare Administration at Philippine Veterans Office.
Magko-contribute naman ng tig-50 bilyong pisong pondo ang Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines.
Matatandaan na kamakailan lang ay sinertipikahang ‘urgent’ ni Pangulong Marcos ang MIF na inaasahang magpapataas sa kita ng gobyerno at magsusulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.