LUSOT na sa House Committee on Appropriations ang Maharlika Investment Fund (MIF).
Kinatigan nito ang rekomendasyon ni Marikina Representative Stella Quimbo kung saan binago ang buong Section 9 na tumutukoy sa funding provision nito.
Sa ngayon, tanging Land Bank of the Philippines (LBP), Development Bank of the Philippines (DBP), at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mag-aambag ng paunang puhunan.
Umaabot naman sa ₱50 billion ang ambag mula sa LBP at ₱25 billion sa DBP habang 100 percent ng dibidendo naman ay mula sa BSP.
Samantala, inalis na rin ang Pangulo ng Pilipinas na magsisilbing Chairman of the Board ng Maharlika Investment Fund Corporation at ang Finance Secretary na lamang ang ilalagay sa posisyon.
Ito ay matapos kuwestyunin at sinasabing baka mapulitika lamang ang MIF.
Magkakaroon naman ng 15 “Board of Directors” para sa naturang panukala.
Nakatakda namang bubusisiin ang panukala sa Committee on Banks and Financial Intermediaries sa araw ng Lunes.