MULING nagtala ng minor phreatic eruption o mahinang pagputok ang Bulkang Taal nitong Huwebes, Setyembre 26, 2024.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) pasado alas dose ng tanghali kahapon ng maganap ang mahinang pagsabog sa main crater nito.
Sa kuha ng thermal camera ng Daang Kastila Observation Station, umabot sa 2,400 meters ang taas ng inilabas nitong usok na napadpad patungong hilagang-kanluran.
Miyerkules ng madaling araw, Setyembre 25 unang naitala ang mahinang pagputok ng Bulkang Taal kung saan umabot naman sa 600 meters ang inilabas nitong usok.
Sa ngayon ay nananatiling nasa Alert Level 1 ang Bulkang Taal kung saan ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa Taal Volcano Island lalo na sa main crater at daang kastila fissures, at pamamalagi sa lawa ng Taal.
Posible ring maganap ang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions.