TAHASANG idiniin ni Dagupan City Councilor Red-Erfe Mejia na ilegal at may iregularidad ang pagpasa ng budget ng lungsod noong nakaraang linggo.
Inihayag ito ni Mejia sa isinagawang regular session kahapon ng Martes, Oktubre 3 kung saan ay itinukoy ang isang halimbawa ng ruling ng Korte Suprema kaugnay sa isyu ng pagpasa ng appropriation ordinance.
Dagdag ni Mejia, nagsulat na ang miyembro ng Majority sa Department of Interior and Local Government (DILG) at sa Department of Budget and Management (DBM) para i-review at hingan ng opinyon ang mga nasabing ahensiya kaugnay sa pagpasa ng budget.
Hindi aniya titigil ang mayorya kahit na aabot pa sa Korte Suprema ang nasabing usapin.
“Para po sa kaalaman ng lahat nagsulat na po ang Members of Majority sa ahensiya ng DILG, sa ahensiya ng Department of Budget and Development at humihingi po tayo ng kanilang review at opinyon. Hindi titigil ang Majority Members, tayo po ay pagbibigyan at kung kinakailangan umabot sa Supreme Court, aabot pa tayo sa Supreme Court,” ayon kay Councilor Red Erfe Mejia, Dagupan City.
Nanindigan naman si Councilor Jigs Seen ng Minorya na nasa tamang proseso ang pagpasa ng budget ayon na rin sa desisyon ng Korte Suprema sa katulad na isyu.
“’Yung sa appropriations ordinance, the approval ay wala pong ilegal, wala pong irregularity, lahat po ito ay in order. Ang House Rules ay hindi batas o i-supersede ang Republic Act 7160,’’ ayon naman kay Councilor Jigs Seen, Dagupan City.
Dito ay nagkaroon na ng debatehan kaugnay sa legal at tamang pagpasa ng Appropriations Act gamit ang rulings ng Korte Suprema.
Pero sa huli ay napagdesisyunan sa nasabing sesyon na hintayin na lamang ang desisyon ng DILG, DBM, at maging ng Korte Suprema sa sulat na ipinadala ng mayorya sa mga nasabing ahensiya at sundin na lamang ito.
Matatandaan na halos isang taon na ang nakalilipas bago naaprubahan ang budget ng lungsod nitong nakaraang linggo kung saan tatlo sa mayorya ay hindi nakadalo sa nasabing sesyon.
Pagpasa ng P1.3-B annual budget ng Dagupan, isang ‘‘divine intervention’’—Mayor Belen Fernandez
Samantala, sa eksklusibong panayam ng SMNI News Team kay Dagupan City Mayor Belen T. Fernandez, sinabi nitong ‘‘Divine Intervention’’ ang pagpasa ng P1.3-B annual budget ng lungsod.
Aniya, positibo siyang darating ang panahon na maaprubahan din ang budget lalo na kapag taos-puso, may pag-ibig sa pagtulong, at hindi nakakalimutan ang Panginoon.
“Para sa akin talagang Divine Intervention kaya minsan po pag meron akong mga problema, meron akong gustong ayusin, nakita ko parati nandiyan po ang ating Panginoon na gumagawa ng paraan na maayos,” ayon kay Mayor Belen T. Fernandez, Dagupan City.
Dagdag ni Mayora, hindi inaasahan na maaprub ang budget noong nakaraang sesyon pero para sa kaniya ang Diyos lang ang nakakaalam.
Dahil sa aprubadong budget ay madadagdagan na ang suweldo ng mga empleyado ng lokal na pamahalaan, may budget na rin ang scholarship program ng lungsod, at ma-iimplementa na ang mga proyekto na matagal nang nais maipatupad na direktang makapagbebenepisyo sa mga Dagupeño.