Caloocan City – Halos hindi na makita ang Maligaya Creek sa Caloocan City dahil sa kapal ng mga basurang nakatambak dito.
Bilang tugon, nagsagawa ng malawakang paglilinis ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan bilang bahagi ng programang “Bayanihan sa Estero.”
Batay sa ulat ng MMDA Flood Control and Sewerage Management Office, nasa 24 dump trucks o katumbas ng 48 toneladang basura ang nakuha sa Maligaya Creek mula noong weekend hanggang ngayong araw. Kabilang sa mga karaniwang basurang nakatambak dito ay mga single-use plastic gaya ng plastic bottle at food wrapper.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng MMDA at mga lokal na pamahalaan upang mapanatili ang kalinisan ng mga waterways at maiwasan ang mga sakuna dulot ng polusyon sa mga estero.
Ang mga residente ay hinihikayat na makiisa sa mga ganitong inisyatiba at magsagawa ng mga hakbang upang mapanatili ang kalinisan ng kanilang kapaligiran.
Ang programang “Bayanihan sa Estero” ay patuloy na isinasagawa sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila upang mapabuti ang kalagayan ng mga estero at maiwasan ang mga epekto ng pagbaha.