MMDA at LTRB, nilinaw ang polisiya sa window hours sa provincial buses kasunod ng kalituhan sa publiko

MMDA at LTRB, nilinaw ang polisiya sa window hours sa provincial buses kasunod ng kalituhan sa publiko

BINIGYANG-linaw ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes na batay umano sa umiiral na polisiya ng LTFRB lahat ng provincial buses ay dapat lamang na magbaba at magsakay ng pasahero sa North Luzon Express Terminal o sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITEX).

Sinabi pa ng opisyal, pinagbigyan ng LTFRB ang naging apela ng mga provincial bus operators na payagan silang pumasok at dumaan sa EDSA simula 10pm hanggang 5am.

Pagbibigay diin pa ni Artes na hindi ipinagbabawal na mag-operate nang lagpas sa nasabing window hours ang mga provincial buses.

Bastat hindi lamang magbaba at magsasakay sa kani-kanilang mga pribadong terminal at sa halip ay gamitin ang integrated terminals alinsunod sa umiiral na patakaran ng LTFRB.

Kinumpirna rin ng ahensiya at mga provincial bus operators na nagkaroon ng gentleman’s agreement matapos silang humiling na palawigin pa ito.

Bukod dito, iginiit pa ni Artes na ang pangunahing tungkulin ng MMDA ay ang mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon at batas trapiko.

Habang ang paggawa ng mga patakaran tungkol sa provincial buses at iba pa na may kinalaman sa transportasyon ay saklaw na ng Department of Transportation at LTFRB.

Samantala, nitong Miyerkules din ng maglabas ng pahayag ang LTFRB sa tamang pagsunod sa “window hour scheme” ng mga provincial bus operator.

Kasunod ito sa kanilang natanggap na ulat na libu-libong pasahero ang stranded sa DAU terminal sa Pampanga na papuntang Metro Manila.

Dahil rito, maraming manggagawa ang naapektuhan sa kanilang trabaho at mga pasaherong may transaksyon sa negosyo dahil ito sa kawalan ng pampublikong transportasyon sa kabila ng pagkakaroon ng mga bus operators na nabigyan ng special permit.

Dagdag pa ng LTFRB na ang mga permit to operate ay ibinigay sa mga provincial bus operator para maghatid ng mga pasahero sa anumang oras kapag may pangangailangan at hindi lamang sa loob ng window hours.

  • PITX-Quezon, Region 4-A, MIMAROPA, and Bicol
  • PITX at  Araneta Center Cubao – Region 4-A CALABARZON
  • NLET – Region 1, 2, and CAR
  • NLET and  Araneta Center Cubao – Region 3
  • SRIT – provincial buses from Visayas and Mindanao

Sinabi  pa ng LTFRB na maaring managot ang mga tahasan at lantarang hindi sumusunod sa tungkulin lalo na sa special permit at Certificate of Public Convenience (CPC) para mag-operate.

Sa kabila nito, inaasahan ng LTFRB na ang mga provincial bus operator sumunod sa kanilang kasunduan sa paggitan ng MMDA at maging responsable sa kanilang tungkulin bilang isang common carrier.