MMDA at MMC, magsasagawa ng karagdagang pag-aaral para sa posibleng bagong number coding scheme

 MMDA at MMC, magsasagawa ng karagdagang pag-aaral para sa posibleng bagong number coding scheme

MAGSASAGAWA ang Metro Manila Council (MMC) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng karagdagang pag-aaral para sa pagpatutupad ng bagong number coding scheme sa rehiyon.

Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni MMDA Chairperson Romando Artes na iminungkahi ni Pasig Mayor Vico Sotto ang pag-aaral sa isinagawang pulong sa pagitan ng MMDA at MMC bago ang 2022 elections.

Ayon kay Artes, mayroon ding mungkahi na ipagpaliban ang pagpatutupad ng bagong number coding scheme hanggang sa susunod na administrasyon.

Kung ipatutupad ang bagong scheme bago matapos ang kasalukuyang administrasyon, sinabi ni Artes na iminumungkahi na magkaroon ng review sa polisiya tuwing tatlong buwan.

Noong Abril, ipinanukala ng MMDA ang bagong number coding scheme kung saan target na ibaba ang bilang ng mga sasakyan na dumadaan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila sa 40%.

Sa kasalukuyan, nagpatutupad ang MMDA ng modified number coding scheme mula alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi mula LunesBiyernes maliban sa holidays.

Follow SMNI News on Twitter