MAY bagong plano ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang maibsan ang matinding trapik at siksikan ng mga motorista sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Mabigat ang daloy ng trapiko sa Commonwealth Avenue, Quezon City tuwing rush hour—usad-pagong at buhol-buhol ang mga pribadong sasakyan, jeep, bus, at motor.
Lalo pa ngang humaba ang pila ng mga motorsiklo matapos ipatupad muli ang No Contact Apprehension Policy (NCAP).
Dahil kasi diyan, mas pinili ng maraming rider na magsiksikan sa motorcycle lane kaysa magbayad ng multa.
Sabi ng ilang motorcycle enthusiast, mas mainam kung magagamit din nila ang bicycle lane lalo’t bihira namang may dumaraan dito.
“’Yung nagkaroon ng NCAP lalo pong natakot ang motor hindi na maka-filter at hindi na makadaan sa bicycle lane. Maganda sa mata, maayos. Ngunit, wala pong tao ang bicycle lane. May 1 or 2 bisikleta lamang habang nandoon tayo lahat nagsisiksikan,” saad ni Kim Atienza, TV Personality & Motorcycle Enthusiast.
Ayon pa kay Atienza, ganito rin ang sitwasyon sa EDSA.
Bukod sa siksikan, nalilito ang ilang motorista dahil sa putol-putol na road markings na nagiging dahilan para sila’y mahuli.
Ang pahayag na iyan ay bahagi ng Motorcycle Community Public Consultation na isinagawa noong Biyernes ng umaga.
Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) isinapubliko ang apat na hakbang upang ma-decongest ang trapik at siksikan partikular na sa Commonwealth Avenue.
Nasa apat na opsiyon ang ginawa ng ahensiya —pero may isa aniya na mas matimbang na maaaring gawin.
“Pinakamaganda at beneficial sa lahat ay hatiin ‘yung bike lane. Kasi, ngayon nasa 5 meters siya kung ibibigay natin ang 2.5 meters sa mga nagmo-motor additional 2 lanes po ‘yan na puwedeng ibigay sa kanila. Ibibigay ba natin sa ‘yun sa lahat ng mga nagmomotor kung sakaling ipatupad or i-limit natin sa TNVS or motorcycle taxi,” ayon kay Kim Atienza, TV Personality & Motorcycle Enthusiast.
Paglilinaw ni Artes, kailangan muna nilang konsultahin ang Quezon City government at Transportation Department na nangasiwa sa paglalagay ng bicycle lanes sa mga pangunahing kalsada.
Bukod diyan, makikipagpulong muna ang MMDA sa mga grupo ng mga siklista kung pabor ba sila sa mungkahing ito.
Pero, para na rin sa mga ride-hailing app— makatutulong ito na mapagaan ang araw-araw na buhay ng mga motorista.
“If we are able to do that, we are doing this in a systematic way kung gawin natin ‘yun na matagal ‘yung MC taxi pati delivery doon sa current motorcycle lane ay baka ma-decongest ‘yung motorcycle lane,” wika ni George Royeca, CEO, Angkas.
Sakaling makuha ang go signal ng mga kinauukulang ahensiya, target ng MMDA na ipatupad ang plano sa susunod na buwan.
Ngunit bago ito, uunahin muna nilang ayusin ang lahat ng markings at signages sa Commonwealth Avenue.
Community service bilang multa sa mga mahuhuli sa ilalim ng NCAP, kinukonsidera ng MMDA
Samantala, may panukala rin ang MMDA para sa mga motoristang hindi kayang magbayad ng multa sa ilalim ng NCAP: community service.
“Kung mayayaman man more likely hindi magco-community service dahil they can pay. Pag-usapan natin kung ano ‘yung klase ng community service at kung gaano kahaba. Doon na lang namin i-compensate,” saad ni Atty. Romando Artes, Chairman, MMDA.
Sa ngayon, P150 ang pinakamurang multa sa mga traffic violation, habang maaaring umabot sa P5,000 ang pinakamataas.