NANANAWAGAN ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsiya sa Holy Week na planuhin ng mabuti ang bakasyon.
Buong pamilya ni Alberto ang uuwi sa Nueva Ecija para sulitin ang long holiday sa paggunita ng Semana Santa. Gaya ng ibang mga pasahero, iniiwasan ng pamilya ni Alberto na sumabay sa bugso o dagsa ng karamihan sa mga biyahero, lalo na sa mga susunod na araw. Bitbit ang kanilang mga bagahe, tumungo sila sa isang bus terminal sa kahabaan ng EDSA Cubao sa Quezon City.
Para kay Alberto, hirap sila tuwing pumupunta sa terminal dahil sa siksikan at karamihan sa ibang pasahero ay nakatayo na lamang habang naghihintay ng bus dahil sa maliit na espasyo.
“Ang hirap, nakakapagod na nga ‘yung biyahe, nakakapagod pa ‘yung maghintay.”
“Mostly ang challenging kasi is ‘yung papunta rito sa terminal, kapag maraming siksikan. ‘Yung tendency, lalo na kapag may bata kami, baka biglang mabitawan at mawala,” ayon kay Alberto Caluplucan, Jr., pasahero.
Umaga ng Biyernes, sinuyod ni MMDA Chairman Romando Artes ang ilang bus terminal sa nasabing lungsod. Karaniwang ginagawa ng ahensya ito tuwing may malakihang okasyon o special holiday sa Pilipinas.
Sa obserbasyon ng mga opisyal ng MMDA, isang bus terminal ang nakitaan daw ng problema.
“Well, ‘yung tingin ko ay ‘yung waiting area medyo maliit siya, so kinakausap natin ‘yung pamunuan na baka puwedeng maglagay ng tents para naman may masilungan ang ating mga kababayan, lalo na ngayong summer,” saad ni Atty. Romando Artes, Chairperson, MMDA.
Kailangan din aniya dagdagan ng mga ito ang reservation booth o ticketing area para maiwasan ang pila ng mga pasahero.
Gayunpaman, nagpaalala si Artes sa mga biyahero na mag-uuwian sa kani-kanilang mga probinsiya na planuhin ito ng maaga.
“Unang-una na asahan natin na bibigat ang daloy ng trapik, lalong-lalo na ‘yung palabas ng expressways natin, NLEX and SLEX,” ani Artes.
Inaasahan na rin ng MMDA na papalo pa rin sa higit isandaang libong (100,000) sasakyan ang dadaan sa EDSA patungo sa kanilang mga destinasyon ilang araw bago ang Holy Week.
Pero, batay sa trend o datos ng MMDA, karamihan sa mga pasahero ngayon ay hindi na sabay-sabay umuuwi sa kani-kanilang probinsya kumpara noong mga nakaraang taon.
“Medyo na-i-scatter na po sa mas maraming araw ‘yung pag-uwian o biyahe ng ating mga kababayan.”
“Nakita namin, na hindi umuuwi ng sabay-sabay ng Tuesday and Wednesday, halos weekend before ‘yung Holy Week,” dagdag pa ni Artes.
DOTr-SAICT: Operasyon ng EDSA busway, hindi sususpendihin sa Semana Santa
Samantala, hindi aniya dapat mabahala ang mga pasaherong mananatili rito sa Metro Manila ngayong Semana Santa.
Sabi ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT), tuloy ang operasyon ng EDSA bus carousel sa Holy Week.
“With Holy Week 2025 expected to drive an even greater influx of travelers, DOTr-SAICT is fully prepared to accommodate the anticipated spike in demand,” ayon kay DOTr-SAICT.
Samantala, bukas ang serbisyo ng ahensiya para sa mga pasahero na sasakay sa EDSA bus carousel ngayong Semana Santa.
Follow SMNI News on Rumble