MMDA idinetalye ang bagong bersiyon ng “May Huli Ka” website

MMDA idinetalye ang bagong bersiyon ng “May Huli Ka” website

SA panahon ngayon na bawat segundo sa kalsada ay mahalaga at bawat paglabag ay may katumbas na parusa, malaking ginhawa para sa mga motorista ang mabilis at maaasahang impormasyon.

Dahil diyan, inilunsad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pinahusay na bersiyon ng kanilang “May Huli Ka” website.

Layunin nitong gawing mas ligtas, mas episyente, at mas accessible na sistema ng pagbibigay-impormasyon ukol sa traffic violations sa ilalim ng No Contact Apprehension Policy (NCAP).

Ayon kay MMDA Director for Traffic Enforcement Group Atty. Victor Nuñez, isa sa mga pangunahing pagbabago sa bagong sistema ay ang pagdagdag ng “Motor Vehicle File Number” (MV file number) sa proseso ng pag-login.

Ito ay matatagpuan sa Certificate of Registration ng sasakyan sa upper left corner at layunin nitong maiwasan ang mga paglabag sa data privacy.

“Kasi before po, iyong aming app, kahit sino basta alam iyong plate number mo, they can just type it and puwedeng mag-verify. But now, with the additional security ng paglagay ng MV file number,” ayon kay Atty. Victor Nuñez, Director for Traffic Enforcement Group, MMDA.

Pagkatapos mag-login gamit ang plate number o conduction sticker at MV file number, makikita agad ng mga motorista ang resulta kung sila ay may paglabag o wala.

Bilang karagdagan sa kasalukuyang feature, sinabi ni Nuñez na nagplano pa ang MMDA ng mga karagdagang pagpapabuti sa website.

Kabilang dito ang pagpapakita ng mga detalye ng violation tulad ng screenshot ng lugar kung saan nahuli, oras, araw, anong paglabag, at halaga ng multa.

Inaasahan din ng MMDA na magkakaroon ng bagong feature na magpapadali sa mga operator na may maraming sasakyan.

Ang mga may-ari ng fleet tulad ng mga operator ng taxi, jeep, at bus ay magkakaroon ng kakayahan na mag-enroll ng mga sasakyan nila sa system at makita ang mga paglabag ng kanilang mga drayber.

 “Since mostly lang operators, may mga operators po na sila ang sumasagot para nakikita rin nila kung nagba-violate iyong mga drivers nila, iyong mga particular vehicles na nasa fleet nila,” saad ni Nuñez.

Maaaring bisitahin ang “May Huli Ka” website sa www.mayhulika.mmda.gov.ph.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble