IISANG makabagong sistema sa trapiko ang unti-unti nang ipinatutupad sa Metro Manila.
Mula sa dating fixed timer, ngayon ay sensor-based na ang traffic lights sa mga piling kalsada — isang hakbang ng MMDA para mas epektibong ma-manage ang daloy ng mga sasakyan.
Sa ilalim ng sistemang ito, tinanggal na ng MMDA Traffic Engineering Center ang mga lumang countdown timers sa 96 na interseksyon sa Metro Manila, at pinalitan ng mga high-tech sensors.
Ang mga sensor ang tutukoy kung kailan dapat magbago ng ilaw kung dapat bang mas pahabain ang green light sa mas mataong direksyon, o paikliin sa mas magaan ang daloy.
Bagama’t nasa pilot implementation pa lang, umaasa ang MMDA na mas bibilis ang biyahe, maiibsan ang pagka-ipon ng sasakyan, at mababawasan ang stress ng mga motorista.
Plano ng ahensya na palawakin pa ito sa iba pang bahagi ng National Capital Region sa mga susunod na buwan.
Pero paalala ng MMDA:
Hindi sapat ang teknolohiya. Kailangan pa rin ang disiplina sa kalsada para matiyak ang mas maayos, mabilis, at ligtas na paglalakbay para sa lahat.