NANINIWALA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi magkakaroon ng pagsipa sa bilang ng kaso ng COVID-19 kung isasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang National Capital Region (NCR).
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia ito ay dahil naging disiplinado na ang mga tao sa pagsunod ng health protocols.
Dagdag ni Garcia hindi rin sisirit ang kaso ng COVID-19 kung ang pag-iingat ng taumbayan ay sasabayan rin ng mahigpit na pagpapatupad ng quarantine protocols ng mga lokal na pamahalaan.
Saad naman ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez, Nobyembre ng nakaraang taon pa inirekomenda na isailalim na sa MGCQ ang Metro Manila dahil walang naitatalang pagtaas ng COVID-19 cases kahit unti-unti ng binubuksan ang ekonomiya.
Ngunit dahil abiso ng mga health experts na hindi dapat biglain ang pagluluwag sa restriksyon naipagpaliban ito lalo pa’t kasagsagan na ito ng holiday seasons.
Naninawala si Lopez na napapangasiwaan na ang pagtaas ng kaso ng impeksyon.
Paglilinaw din ng DTI secretary hindi niluluwagan ang health protocol sailalim ng MGCQ tanging pagbubukas lamang ito ng ekonomiya.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque posible ring papabor si Pangulong Duterte sa pagsasailalim sa Metro Manila sa MGCQ matapos mapagkasunduan ng Inter-Agency Task Force at ng Metro Manila mayors na ito ang kanilang irerekomenda sa pangulo.
Aasahan naman aniya ngayong Lunes, February 22, ang pag-anunsyo ng pangulo sa kanyang pinal na desisyon ukol dito.