MMDA, may paalala sa Christmas shoppers kaugnay sa health protocols

NANAWAGAN ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa Christmas shoppers na mag-ingat at sumunod sa health protocols upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Ito’y matapos magdagsaan ang mga tao sa mga sikat na pamilihan para mamili ng mga panregalo dalawang araw bago ang Pasko.

Halos doble o triple na nga ang dami ng mga tao na pumupunta sa mga malls o sa mga sikat na pamilihan ilang araw bago ang Pasko.

Gaya na lamang sa Divisoria na halos magkapalitan na ng mukha ang mga mamimili na nagki-Christmas Shopping.

Siksikan, wala ng physical distancing at ang iba hindi na maayos ang pagkakasuot ng face mask.

Kaya mahigpit na binilinan ng MMDA ang mga mamimili na sundin ang minimum health protocols lalo na na may banta ng Omicron variant.

Number coding scheme sa NCR, suspendido muna sa Pasko at Bagong Taon

Samantala, sinuspinde naman ng MMDA ang number coding scheme para sa darating na Christmas at New Year.

Batay sa MMDA, ang ipinatutupad na rush hour number coding scheme mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi sa Metro Manila ay suspendido sa:

Disyembre 24, Biyernes (Christmas Eve)

Disyembre 30, Huwebes (Rizal Day)

Disyembre 31, Biyernes (New Year’s Eve)

Wala namang number coding scheme Disyembre 25 Christmas Day at Enero 1, 2022 (New Year’s Day), mga araw ng Sabado.

Paliwanag ng MMDA, ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 7 at 8 na sakop ng coding tuwing Huwebes at 9 at 0 na sakop ng coding tuwing Biyernes ay maaaring bumiyahe sa mga lansangan ng Metro Manila buong araw.

SMNI NEWS