Mobile app na Sumbungan ng Bayan, inilunsad ng DICT at PNP sa San Juan City

Mobile app na Sumbungan ng Bayan, inilunsad ng DICT at PNP sa San Juan City

INILUNSAD araw ng Martes ng San Juan City LGU at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) katuwang ang Philippine National Police (PNP) ang pilot test ng eReport at iReport.

Ang iReport at eReport ay isang joint project ng DICT at PNP sa ilalim ng eGovPH superapp na isang single operating platform ng gobyerno na nagbibigay ng daan sa mga subscribers na magamit ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan gamit lang ang mobile device.

Sa panayam kay San Juan City Mayor Francis Zamora, sinabi nito na maliban dito ay maaari din na makapagsumbong ang publiko sa mga awtoridad gamit ang nabanggit na proyekto.

Sa pamamagitan nito ay mapapabilis ang pagresponde ng mga awtoridad at mapapadali ang paglutas ng mga krimen.

“Napakahalaga nito sapagkat base po sa aming nasubukan na dito sa San Juan, ‘yung eGov app na ating dinownload na merong capability to report crimes ‘yung aming simulation na aming ginawa ang pinaka mabilis na response time ay 1:37 isipin niyo po kung gaano kabilis na kung mayroong krimen saan man sa kalye o sa kapitbahay natin ay nakakaresponde ang mga pulis,” ayon kay Mayor Francis Zamora, San Juan City.

Para kay Philippine National Police (PNP) chief PGen. Benjamin Acorda, Jr., sa pamamagitan ng nasabing mobile application ay magkakaroon sila ng real time na monitoring sa mga pangyayari at magreresulta aniya ito ng mas epektibong tugon sa mga isyu at krimen.

“This comprehensive network allows for a real time monitoring of responses and resolutions to reported incidents enhancing our ability to address issues effectively,” ayon kay PGen. Benjamin Acorda, Jr., Chief PNP.

Dahil dito ay malaki ang tiwala ng alkalde na magagampanan pa nila nang maayos ang kampanya kontra sa kriminalidad at ilegal na droga sa kanilang lungsod.

Dagdag pa rito, ang San Juan City ang kauna-unahan at napiling lugar ng DICT at PNP para ilunsad ang memorandum of understanding (MOU) para sa nasabing proyekto.

Pinasalamatan naman ng alkalde ang naging hakbang ng mga national government dahil ang kanilang lungsod ang napili bilang pilot city ng nabanggit na proyekto at umaasa ito na sa mga susunod na panahon ay maipatutupad na ito sa buong bansa.

“Ako ay nagpapasalamat sapagkat ang San Juan nga po ang napili ng DICT ng PNP at DILG bilang Pilot City nito but more importantly now that we see that this is functioning well in San Juan, puwede na natin itong i-roll-out din eventually sa ibang Metro Manila City and of course nationwide,” dagdag ni Mayor Zamora.

Samantala, para naman kay Usec. for eGov. ng DICT na si David Almerol, Jr. sinabi rito na hindi na magkakaroon ng prank calls ang application na Sumbungan ng Bayan dahil tanging lehitimong indibidwal lamang ang makakagamit nito dahil dadaan muna sa proseso bago ma-access ng isang inbidwal ang nasabing app.

“Wala na pong prank calls dahil if you download the eGov. app meron pong EKYC ‘yan, so meron pong verification process in fact naka-link na rin po ‘yan sa national ID natin so mga legit lang ang makakagamit ng app, ibig sabihin puro legit users ang gagamit, legit users lang din ang magrereport,” ayon kay Usec. David Almerol, Jr., eGov., DICT.

Sa mga nais magkaroon ng mabilis na access sa ilang mga programa ng pamahalaan gamit lang ang cellphone, maaring i-download ang mobile app na eGovPH.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble